Sumusunod sa yapak ni Lala Aunor ang dalawang anak niya

Pagkaraan ng maraming taon, swerteng naimbita ako ng composer na si Alex Catedrilla sa kaarawan ni Maribel o Lala Aunor, isa sa Apat na Sikat (Winnie Santos, Eddie Villamayor, Arnold Gamboa), pinaka-sikat na grupo nung panahon nila.

Kabataan pa rin si Lala at higit na mas maganda ngayon pero, nangangasiwa na ng isang matagumpay na promotions agency na nagdadala ng mga talents sa abroad. Kasal siya sa isang matagumpay ding negosyante at isang magaling na musikero. Kasama ito ni Lala sa pag-iistima ng kanyang bisita. Ito rin ang umakumpanya sa kanya sa piano nang mahilingan siyang umawit ng kanyang mga bisita.

Masaya ang marriage ni Lala na nagprodyus ng dalawang anak na babae, isa ang siyam na taong gulang na si Marion na ang pangalan ay dinadala ng kanyang promotions agency. Ikalawa ay si Ashley, limang taong gulang at mayroon ng isang self-titled album.

Parehong nag-aaral sa Brent International School ang magkapatid. Pareho ring namana ang talino sa musika ng kanilang mga magulang. Maganda si Marion at madagdagan lamang ng kaunti ang edad nito ay pwede nang isabak sa mga programa at pelikulang pam-bagets. Mas hawig ito sa kanyang ama.

Si Ashley ang parang biniyak sa kanyang ina. Lalang Lala ito. Hindi kataka-taka kung siya ang unang nagkaroon ng pagkakataon na gumawa ng album bagaman at magaling ding kumanta ang Ate niya.

Bibong bibo si ‘Ashley at mabilis mag-memorya ng kanta. Hindi nga nahirapan sa kanyang mag-coach si Alex Catedrilla na bukod sa ito ang nag-compose ng halos lahat ng awitin sa album, ito pa rin ang producer ng album. Ito pa rin ang lumalakad para sila makakuha ng tie-up sa DECS, para mai-promote ito sa mga iskwela dahilan sa ang mga awitin sa album ay environmental. Baka kapag nagawa niya ito ay magkaroon ng formal launching ang album. Nung birthday ni Lala, ay nagkaroon ng soft launching ang album na nagtatampok sa mga awiting "Gusto Kong Kumanta", "Munting Pangarap", "Tango", "Kung May Pag-ibig", "Mahal Kita Inay", isang duet nila ni Marion,"Gumising Ka", solo ni Marion, at "Someone’s Waiting for You".
* * *
Excited si Ara Mina dahil makakasali ang pelikula niyang Huling Birhen Sa Lupa sa Toronto Film Festival. Isa rin siya sa magiging representative ng pelikula ni Joel Lamangan sa Toronto, Canada.
* * *
Nagsisimula nang mag-telecast sa cable channel ang Pinoy Box Office o PBO. Twenty four hours non-stop na magpapalabas ang PBO. Kahapon, napanood sa unang pagkakataon sa TV ang pelikula ni Maui Taylor na Gamitan at ang matagumpay na konsyerto ni Ogie Alcasid na OA Sa Hits. Sa Setyembre 1, magiging international na ang PBO dahil mapapanood na rin ito sa US.

Ang Pinoy Box Office ay isang dibisyon ng Viva Entertainment Inc. Magpapalabas ito ng mga pelikulang Pilipino, concerts, music acts, music videos at mahalagang sports events, orihinal na TV series at celebrity newscasts. Most notably yung ginawa ng Viva.

Tumawag sa inyong local cable supplier para sa impormasyon o kung paano makaka-avail tumawag sa 6870595/6380424/6879110 at 6870633.

Show comments