Pwedeng-pwede nang artista ang anak ng Presidente

Kahit mahirap makipagsabayan sa mga beteranong aktor na sina Eddie Garcia at Ace Vergel, lumutang naman ang talento ni Mikey Arroyo sa Masamang Ugat.

Ngayon lang ako nakapanood ng sineng tampok ang Presidential son. Noon kasi nadadala ako sa mga kantyaw at warning sa akin. Buti naman at nakumbinse ako ni Direk Willie Milan kaya’t pinasok ko ang isang SM cinema noong opening day ng Masamang Ugat.

Tama naman ang sinabi ng direktor. Masisiyahan ang manonood ng kanyang bagong obra.

Doon lang sa climax sequence nina Eddie Garcia at Ace Vergel (lumabas na mag-ama sa istorya), sulit na ang binayad mo.

Si Mikey naman na ang papel ay ang nawalay na batang kapatid ni Ace, kwela sa mga tagpong katatawanan. Natural siyang umarte. Bagay sila ni Maui Taylor na magka-partner. Kaya lang isang kissing scene lang ang naging romansa nila.

Maging sa mga eksenang kasabayan ni Mikey si Ace Vergel, pwedeng-pwede ang anak ng Presidente.

Sa apat na topbilled male actors, si Victor Neri ang pinakamaigsi ang exposure. Pero epektibo siyang kontrabida.

Higit na maraming eksena si Al Tantay sa kanya, bilang pinuno ng isang drug syndicate. Mabikas pa rin ang aktor/direktor. Kung magko-concentrate siya sa pag-arte, magkakaroon ng kaagaw sa mga roles na ginagampanan niya si Eddie Garcia.

Kung mga kontrabida ang pag-uusapan, talagang walang kapantay si Eddie Garcia. Mula simula hanggang wakas, siya talaga ang Masamang Ugat.

Si Maui Taylor naman, bukod sa sexy talaga, magaling pang umarte. Siya ang tipo ng artistang magtatagal kahit sabihin pang mabago na naman ang usong pelikula.

Tipong reyna bandida ang papel ni Gwen Garci, na bagay na bagay sa kanya. Marunong siyang mag-routine at humawak ng baril.
* * *
Noong Miyerkules pa ay sinabi na ni Direk Willie Milan na naghihintay na ng oras si Cesar Ramirez. Ang kanyang anak na si Ace Vergel at ibang kapatid ay naghahanda sa pagpanaw ng dating actor/action king ng Sampaguita Pictures contract star.

Mahigit isang taon na palang nakabalik sa Pilipinas si Cesar. Nakatira siya sa isang bahay ni Ace. Noon ding Miyerkules ng hapon namayapa na nga ang tatay nina Ace at Beverly Vergel.

Natandaan ko pa noong mid-80’s nang gawin ni Ace Vergel ang Anak ng Cabron. Ang original choice sa papel ng tatay ni Ace sa pelikula ay si Cesar Ramirez. Sa unang negotiation, payag na ang former action king.

Very disappointed si Ace nang last minute ay nag-back out si Cesar dahil hindi siya makakabalik sa ating bansa from the USA. Labis itong dinamdam ni Ace.

Kina Ace, Beverly at sa iba pang kamag-anak ng yumaong si Cesar Ramirez, nakikiramay kami.

Show comments