Francine, handa nang magpa-sexy

Nakilala ng husto ang Seiko Films dahil sa mga kakaiba at tunay na magagandang sexy stars na pinasikat nito tulad nina Gretchen Barretto, Cristina Gonzales at Rosanna Roces. Nitong huli ay inilunsad din nila si Diana Zubiri na tila patuloy ang pagsikat at pagdami ng mga tagahanga.

At ngayon, kasabay nang paggawa ng Seiko Films ng tinatawag na glossy-sexy movies, ay ilo-launch naman nila si Francine Prieto.

Nagsimula si Francine sa showbiz bilang member ng youth-oriented variety show na That’s Entertainment. Nilisan niya pansamantala ang showbiz nang manalo sa isang modeling competition. Bilang isang professional ramp model ay halos naikot na niya ang buong Asia at kamakailan ay naging semi-finalist sa annual search ng Binibining Pilipinas.

Sa pagpasok ni Francine sa mundo ng pagpapaseksi, siguradong maraming kalalakihan ang magagayuma sa ganda niya. Mestisa ang beauty niya at may dugong Filipino, Chinese at Spanish.

Sa lakas ng dating ni Francine ay ‘di nagdalawang-isip si Robbie Tan ng Seiko Films na papirmahin siya ng kontrata at bigyan ng proyekto. Kasama siya sa pelikulang Liberated na ididirek ni Mac Alejandre. Tampok din sa pelikulang ito sina Diana Zubiri at Christian Vasquez.

Show comments