Pinagtatapat na ngayon pati sina Konsenal Aiko at Congressman Chuck Mathay, ama ni Ara, ang dalawa raw ang maglalaban sa 2004 bilang kogresista ng kanilang distrito.
Itinanggi agad ni Aiko ang kwentong yun na kung siya ang masusunod, ang gusto sana niya ay ang magkaroon pa siya ng sapat na karanasan sa pamamagitan ng nagkandidatong konsehal sa District 2 ng Quezon City.
Pero totoong sinabihan na siya ni Mayor Sonny Belmonte na kung walang mapipisil ang kanilang partido para tumakbong kongresista sa kanilang distrito ay siya talaga ang ipanlalaban sa ama ni Ara.
Nagpa-survey kamakailan ang grupo ng 30 barangay ng District 2 kung sino sa palagay ng mga tagaroon ang nararapat at karapat-dapat na tumakbong kongresista sa darating na halalan at nakaungos si Konsehal Aiko sa survey, siya ang napisil ng mga nasasakupan ng distrito.
" Mayor Belmonte is giving me until October to decide," simpleng sabi ng aktres-pulitiko, kaya pagdating ng takdang oras ay kailangan na talaga niyang magbitiw ng salita.
Matagal na ang-offer na kumandidato siyang kongresista, hindi pa nagaganap ang kontrobersya sa pagitan nila ni Ara ay may mga lumapit na sa kanya, pero mas gusto nga sana niyang kumandidato muna uli bilang konsehal.
"There was that issue also na vice-mayor daw ang tatakbuhan ko, hindi po totoo yun. Basta ang malinaw sa akin, kung talagang walang magiging kandidato for congressman ang district namin these coming months, pinaghahanda nila ako," paliwanag ng aktres-pulitiko.
"Nung pasukin ko po ang politics at pinagkatiwalaan ako ng mga constituents ko, sinabi ko sa sarili ko na sila ang palaging una sa akin.
"Kapag may mga dumarating na offer sa akin for guesting, tinitingnan ko munang mabuti kung walang masasagasaan yun sa trabaho ko, kapag wala, thats the only time na tinatanggap ko ang trabaho sa showbis."
"Ganun talaga yun, parang nagpakasal ka na sa position na ipinagkatiwala sa iyo, kaya kailangang pag-ingatan mo," sabi uli ng magandang aktres.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita si Jomari tungkol sa pagpapawalang -bisa sa kanilang kasal, sila lang ni Ara ang nagpapalitan nang maaanghang na salita, kaya nasaan nga ba si Jom?
"Right naman po kasi niyang huwag magsalita kung ayaw niya, e. Ako, ginusto kong magsalita dahil mula naman nung magkagulo-gulo ang sitwasyon, e, ngayon pa lang ako nagkaroon ng chance."
"For the longest time, wala akong sinabing kahit ano, nung lumabas na lang ang annulment ako nagsalita dahil sa opinion ko, meron na akong pwedeng sabihin at ipaliwanag.
"Kung ayaw magsalita ni Jom, nirerespeto ko ang pananahimik niya. Nakakahinga na ako ng maluwag ngayon, nasabi ko na kasi ang gusto kong sabihin at okey na sa akin yun," nakangiting sabi ni Aiko.
Napakalaki na nga ng ipinagbago ng pananaw niya sa buhay ngayon, hindi na siya masyadong nagpapaapekto sa mga nagaganap sa kanyang paligid, ang kapakanan na lang ng kanilang anak na si Andrei ang mahalaga sa kanya ngayon.