Nagdarasal ang 'Parokya' bago tumugtog

Marami ang natutuwa sa pagiging humble ni Chito Miranda, vocalist ng Parokya ni Edgar. Imbes na magmalaki sa narating ng kanilang grupo ay inamin nitong nagsimula rin sa wala ang kanilang grupo.

Sinabi ni Chito na wala ni isa man lang sa kanilang grupo ang talagang marunong sa musika. "By heart kasi, banda kami. At yung pagtutugtog, unti-unti na lang naming natutunan. Ako nga hindi ko alam na marunong pala akong sumulat ng kanta," kwento ni Chito.

Pero sa kabila ng sinasabi nilang wala silang alam, tinatangkilik ang kanilang music. "Siguro kaya click kami, dahil yung mga message ng kanta namin, talagang galing sa puso. Kung ano yung mga ordinary na nangyayari sa araw-araw, ini-express lang namin thru songs," dagdag pa ni Chito.

Higit silang minahal ng mga tao nang aminin nilang hindi sila gumagamit ng drugs na madalas ma-identify sa mga banda. "Maniniwala ba kayo na bago kami tumugtog sa mga gigs namin, nagdarasal pa kami? Kasi nga hindi naman talaga kami mga musikero. Nagtitiwala lang kami sa Panginoon at humihingi ng guidance. Kahit kasi gaano kayo kagaling kung walang pabor mula sa Itaas balewala rin. Minsan hindi mo alam maraming aberyang nangyayari sa mga performance. Then after ng prayer namin dun pa lang kami nagkakaroon ng confidence," amin ni Chito.

Bonus na lang sa kanila ang pagbuo ng Parokya ni Edgar. Nagsimula ang kanilang pagkakaibigan sa prep hanggang high school sa Ateneo. Nang mag-kolehiyo, muli silang nagkasama-sama sa UP Diliman. Dahil pareho sila ng interes, nabuo ang Parokya, bukod pa sa talagang iniidolo nila ang Eraserheads. At kung dati ay sila ang gumagaya sa ibang banda, ngayon sila na ang gustong tularan.

Ngayon, may bago silang album na ang title ay "Bigotilyo" na may carrier single na "Mr. Suave". Ang "Bigotilyo" ay simbolo ng maturity ng kanilang musika sa paglipas ng panahon. Ito’y release ng Universal Records.
* * *
Personal kong napakinggang tumugtog ang master pianist na si Mr. Willy Cruz sa album launching ng international star na si Jose Llana sa Podium.

Talaga namang matatanggal ang pagod mo hindi lang sa husay niyang tumugtog ng piano, kundi dahil na rin sa magagandang melodies ng kanta. Kaya kahit sa bahay ay paborito ko itong patugtugin at ginagawang pampatulog sa mga anak ko.

Marami ang hindi nakakaalam na hindi lang magaling na composer at arranger si Mr. Cruz, kundi mahusay din siyang tumugtog ng piano. Halos lahat ng sikat na singer ay dumaan kay Mr. Willy Cruz at ginawan niya ito ng mga kanta katulad nina Nora Aunor, Sharon Cuneta, Rey Valera, Nonoy Zuñiga, Martin Nievera, Gary Valenciano at marami pang iba.

Ang Willy Cruz: Through the Rain ay handog ng Viva Records.

Show comments