Nini, ayaw na sa lover na Hapon

Halos dalawang taon ding nawala sa sirkulasyon ang dating Seiko Films contract sexy star na si Nini Jacinto matapos itong magbuntis at manganak courtesy of her Japanese boyfriend na si Shintaro Takamura na nangakong pakakasalan siya pero ito’y napako.

Nang magtungo si Nini sa Japan nung September 2000 para sa isang singing engagement, nakilala niya roon si Shintaro Takamura na general manager ng isang club. Nang bumalik ng Pilipinas si Nini the following month, sinundan siya rito ng Hapon hanggang sa ito’y kanyang maging boyfriend. Dahil marahil sa tamis ng dila ng Hapon, nadarang si Nini hanggang sa siya’y mabuntis. Buntis na siya nang magtungo sa Japan nung February 2002 at nagsama sila roon sa loob ng isang buwan. Pero muling bumalik ng Pilipinas si Nini after one month. Nagkasya na lamang sila sa tawagan hanggang sa kanyang isilang ang kanyang baby na si Shintaro Shinji nung Hunyo 8, 2002 pero hindi dumating ng Pilipinas ang kanyang kasintahan. Dumating lamang ito nung binyag ng bata nung November 28, 2002 sa pakiusap na rin ni Nini at nanatili lamang ito sa bansa ng dalawang araw.

Magmula nang isinilang ni Nini ang kanyang anak ay apat na beses lamang silang nagkita ng kanyang (dating) kasintahan at nung Abril ng taong kasalukuyan ay tuluyan nang pinutol ni Nini ang kanyang pakikipagrelasyon sa Hapon dahil alam niya na wala itong patutunguhan. May mga nagbalita rin sa kanya na may iba na umano itong kinakasama na talent din at buntis na. Ang masakit pa, si Nini pa umano ang ginugulo ng bagong karelasyon ni Shintaro kaya binago ni Nini ang kanyang cellphone number at maging numero ng kanilang telepono sa bahay para hindi na siya matunton pa.

Dahil sa pagiging single parent ni Nini, gusto niyang magtrabaho ng magtrabaho alang-alang sa kanyang kaisa-isang anak na isang taong gulang na ngayon. Nagpapayat siya ngayon ng husto para maibalik ang dati niyang seksing katawan. Ang maganda pa, marami siyang raket sa pagkanta ngayon. After Japan, nakatakda siyang magtungo ng Dubai for another singing engagement.

Hindi rin ikinakaila ni Nini na ang nagawa niya ay parte rin ng kanyang pagrerebelde sa kanyang mga magulang na super higpit umano sa kanya. Kahit ngayon na 24 na siya ay napakahigpit pa rin ng mga ito sa kanya.

Ang pagiging over-protective marahil ng parents ni Nini sa kanya ay dahil mag-isa lamang siyang anak.

Sa kabila ng kanyang pagiging single mom, umaasa si Nini na muli siyang makakabalik sa kanyang dating trabaho at umaasa rin siya na sana’y makahanap din ng lalaking tunay na magmamahal sa kanya at sa kanyang anak.

Show comments