Goma,mas galit kay Bayani

Oo nga’t kinasuhan ni Richard Gomez si dating Mayor Jinggoy Estrada dahil sa kaguluhang naganap sa kanilang pagitan nu’ng nakaraang Star Olympics ay nakapagtatakang mas masama raw ang loob ngayon ni Goma kay Bayani Agbayani.

Kay Bayani mas galit si Goma, dahil naglalaro pa lang daw sila ay abot-abot na ang pagmumura ng komedyante sa aktor, ang dahilan kung bakit habang tumatagal ang laro ay nagpipisikalan na rin sila.

Maging ang misis ni Goma na si Lucy Torres ay hindi na nabigla pa sa ginawang pambabatok ni Jinggoy sa kanyang mister, nagdadalantao pa lang daw siya kay Juliana ay nanonood na siya ng Star Olympics at alam na niya ang temperamento ng aktor-pulitiko.

Pero si Bayani ang kinagulatan ng mag-asawa, masyado raw maingay sa loob ng hardcourt ang komedyante, mura raw ito nang mura na parang babae at parang lahat na lang ay gustong awayin ng host ng Masayang Tanghali, Bayan.

Isang malapit sa mag-asawa pa ang nagkomento, "Akala ko ba, e, mabait at humble ‘yang si Bayani? E, bakit ganu’n siya katinding magmura?

"Bakit ang yabang-yabang niya, kung totoong humble siya? Ano ‘yun, nalulunod na ba siya sa pagkakaroon niya ng mga shows sa Dos?

"Ang totoong mabait at humble, malagay man siya sa ganitong sitwasyon, e, mabait pa rin! Kaso, kabaligtaran no’n si Bayani, masyado siyang maangas!!" sabi pa sa amin ng source.

Hindi man kinasuhan ni Goma si Bayani ay gusto itong makausap ng morenong aktor, kinausap na pala ni Goma si John Estrada para sabihang gusto niyang makausap ang komedyante, dahil parang nagbabago na ito ngayon.
* * *
Nainterbyu namin si Bayani pagkatapos ng kaguluhan sa Star Olympics, kami man kasi ay gulat na gulat sa mga kuwentong naririnig namin, bukod pa sa nakita naming Bayani sa video coverage ng Showbiz Sabado.

"Ang akin lang naman kasi, kitang-kita ko ang nangyari, e! Nakita ko kung paano niya inulo (headbutt) si Caloy Salvador na ang liit-liit kesa sa kanya!

"Ayoko nang magsalita pa tungkol sa pangyayari, mensahe na lang ang gusto kong sabihin na sana, huwag nating masyadong pinipisikal ang paglalaro.

"Basketball game lang ‘yan, pagkatapos ng game, magkakasama-magkakaibigan na naman ang mga artista. Pansamantala lang ang larong ‘yan, ilang oras lang, pero after the game, tayo-tayo pa rin ang magkakasama.

"Ang iba sa atin, magiging magkumpare pa, ang iba naman, nagdadamayan, kaya bakit natin kailangang magpikunan at magpisikalan sa paglalaro?" simulang pahayag ni Bayani.

Buo na sa kanyang loob na sa susunod na taon ay hindi na siya sasali pa sa pa-basketball ng Star Olympics, ayaw na raw niya, dahil hindi maganda ang mga nangyayari.

"Saka may injury na rin naman ako sa tuhod, kaya ayoko na rin. Kung sasali man ako sa Star Olympics, ang pipiliin kong event, e, individual games na.

"Badminton, billiard, ping-pong, mga ganu’n na lang ang lalaruin ko. Kung puwede rin, eh, magdagdag na tayo ng piko, sungka, mga larong walang balyahan at pikunan, para makaiwas ang mga artista sa gulo!" pahayag niya.

Ito ang unang pagkakataong nasangkot si Bayani Agbayani sa kaguluhan sa showbiz, pinagtakhan ‘yun ng marami, pero balido naman ang mga dahilan ng komedyante.

Kung pikon ang ibang artista, dapat ay alam din nila kung ano ang magiging balik ng kanilang aksyon, dahil kung ano ang ating itinatanim ay ‘yun din ang ating inaani pagkatapos.

Ganu’n lang kasimple ang mensahe ni Bayani sa mga artistang pikon.

Show comments