Hindi na bastusin si DJ Alvaro

Una ko pa lang narinig ang kantang "Papa Ka Ba?" sa radyo, natawa na ako sa lyrics. Pero mas nakatutuwang kausap ang sumulat at kumanta nito na si DJ Alvaro. Kung gaano ka-expressive sa kanyang mga kanta ang nagbabalik na folk pop singer ganito rin siya ka-vocal sa personal na buhay.

Sa bago niyang album, pagkatapos niyang mawala sa sirkulasyon ng halos limang taon, kino-consider niyang second chance na niya ito sa mundo ng musika. Sa una niyang album na "Ang Tipo Kong Lalake", ayaw niyang magpakita sa tao. "Kasi mahiyain ako. Hindi ako marunong mag-ayos ng sarili ko. At siguro dahil hindi pa ako handang humarap sa tao noon," paliwanag nito. Pero ngayon, determinado siyang tutukan ang kanyang singing career. "Mas makapal na ang mukha ko ngayon."

Sa pagbabalik ba ni DJ Alvaro muli niyang bubuhayin ang mga kantang may double meaning? "Hindi naman. Iba na ito. Tungkol ito sa nakatutuwang karanasan ng mga ordinaryong Pinoy. Pero mayroon din akong serious songs dito."

Ang bagong album ni DJ Alvaro na may title na "Medyo Bastos" at ang carrier single na "Papa Ka Ba?" ay naglalaman ng mga unique na kanta ni DJ na siya mismo ang sumulat at naglapat ng mga musika sa ilalim ng Galaxy Records.

Magkakaroon siya ng mga mall tour ngayon buwan ng Hulyo. Ngayong Biyernes ay nasa SM North Edsa siya; July 6, SM Southmall; July 12, SM Bacoor; July 26 SM Manila at July 19 Iloilo.
* * *
Kung tutuusin, marami tayong mga bagong local bands na pwedeng hangaan at tangkilikin kesa sa mga foreign band na kinababaliwan ngayon ng mga Pinoy. Tulad ng grupong Freshmen Band na nagpasikat sa awiting "Trip Mo Ba?" at "Ikaw Pa Rin" bago pa man ang kanilang first album sa ilalim ng Star Records.

Si Edward, kapatid ni Angelika dela Cruz ang nagbuo ng grupo sa tulong ng kanyang Daddy Ernie. Nagsimula sila sa apat na miyembro at mismong sa bahay nila Edward sila nagpa-practise.

Ang Freshmen Band ay binubuo nina Edward dela Cruz (lead guitarist), Roel Aldana, Joseph Castro (vocalists), Trician Andres (keyboardist), Jerome Raymundo (bassist) at Daziel Ledda (drummer).

Show comments