Ginawa na ring lahat ni Mayor Joey Marquez ang magagawa nito para mapagkasundo ang magkabilang panig dahil kaibigang-matalik ng aktor-pulitiko si Goma at kasama naman nito sa pelikulang Utang Ng Ama si Jinggoy, pero tama ang sinabi sa amin ni Tatay Douglas Quijano, kung maayos man ang gulo ay hindi pa sa ngayon dahil mainit pa si Goma.
Natural lang na noong galit na galit pa sina Jinggoy at Goma tungkol sa nangyari ay umiiral pa ang kanilang pride. Nung manghingi nga ng public apology si Jinggoy ay hindi pa raw yun sapat sabi ni Goma dahil ang gusto raw nito ay ang personal na panghihingi ng dispensa sa kanya ni Jinggoy.
Nang makarating kay Pangulong Erap ang balitang nagkaroon ng hidwaan sina Jinggoy at Richard ay nagalit ito, pinangaralan si Jinggoy, pero kung anuman ang kanilang napag-usapan ay ayaw nang ikuwento pa ng dating mayor ng San Juan.
Ayon kay Jinggoy ay nakita raw kasi niya nang tumilapon si Caloy Salvador nang dahil sa pang-uulo (headbutt) ni Richard, si Caloy ay hanggang balikat lang ng morenong aktor, kaya yun ang naging dahilan ng bugso ng kanyang emosyon.
"Kahit naman kay Richard mangyari ang pang-uulo sa kanya ng mas malaki sa kanya e magagalit din ako, magbibigay rin ako ng reaksyon, dahil hindi parehas ang laban.
"Inaamin kong nagkamali ako, na nagpadala ako sa emosyon ko, pero kaibigan ko kasi ang nasaktan nang walang kalaban-laban," sabi pa ng dating mayor ng San Juan.
Ngayong nauwi na sa demandahan ang pinakahuling kaganapan sa Star Olympics, siguro namay kikilos na ngayon ang KAPPT para magamot na ang mga ganitong pangyayari.
Maraming artista ang nagsasabing sa susunod siguroy kailangan nang alisin ang basketball sa Star Olympics, palitan na lang daw ng individual game ito para maiwasan na ang mga ganitong uri ng senaryo.
Pero kumokontra rin naman ang maraming artista, lalo na ang mga manlalaro na may disiplina at hindi namemersonal, ano raw naman ang kasalanan ng ibang artista sa kasalanan ng kanilang mga kapwa artistang mahilig sa gulo?
Parehong may punto ang magkabilang panig, bakit nga naman kailangang sila ang managot sa negatibong aksyon na ginagawa ng mga kapwa nila artistang nagpapayabangan sa hard court?
Ang opinyon ng mas nakararaming artista ay huwag na lang paglaruin ang mga artistang nagpapayabangan kung sino sa kanila ang mas magaling, hindi yung pati ang mga wala namang kasalanan ay madadamay pa sa parusa.
Bago simulan ang Star Olympics sa susunod na taon, siguroy kailangan munang magpamiting ang pamunuan ng KAPPT para mapangaralan ang mga artistang takaw-gulo.