Soap, pinatay dahil sa problema sa bida

Dapat pala’y may posibilidad pang humaba sa ere ang isang soap operang katatapos lang, pero kailangan nang tapusin ng istasyon ang palabas, dahil kung pahahabain pa nila yun ay baka mangangailangan na ng blood transfusion ang produksyon dahil sa mga problemang ibinibigay ng bida ng serye.

Hanggang ngayon pala ay nakakapit pa rin sa balat ng artistang ito ang kawalan ng disiplina at ang kakapusan ng pagrespeto sa mga kasamahan niyang artista.

Ang dalawa-tatlong oras na paghihintay ng staff at crew sa aktres na ito ay ayos lang, mapagbibigyan pa sana iyon ng produksyon, pero ang mga ginagawa niyang sumpong kapag nasa set na mismo siya ay ibang usapan.

"Nasa dressing room na siya, pinaghahanda na para sa eksenang kukunan, tinatawag na siya, pero ayaw pa rin niyang lumabas sa dressing room. Kaya ba ng powers mo yun?

"Marami siyang dahilan, kung anu-ano, kesyo ang payo raw sa kanya ng doktor, e hinay-hinay lang sa pagtatrabaho, hindi raw siya pwedeng mapagod ng husto, ang dami-dami niyang kaeklatan!" kwento ng mga impormante mula sa nasabing istasyon.

Ang nangyayari tuloy ay nauubos ang kanilang oras sa paghihintay, ang mga artistang masiglang-masigla nang magdatingan ay inaantok na, ang mga crew ay bagot na bagot na, habang nag-iinarte naman sa dressing room ang aktres na bida sa serye.

Palaging ganun ang kanyang ginagawa, kaya nang mapuno ang mga namumuno sa produksyon ay sinabi ng mga ito sa mga ehekutibo ng istasyon na tapusin na agad nila ang serye.

Sayang nga dahil mataas pa naman sana ang rating nito, sinubaybayan talaga ng publiko ang kwento ng serye, pero kung ganun nga naman sa tuwing taping na lang ay natutuyuan naman sila ng dugo ay hindi bale na lang.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng aktres na ito ang ibig sabihin ng propesyonalismo. Sa tinagal-tagal niya sa industriya ay wala rin siyang natutunan, kaya malaki man at maningning ang kanyang bituin ay walang nangyayari sa kanyang career.
o0o
Totoo ang kasabihang maliit lang ang mundo, dahil sa Las Vegas pa nagkita ang mga hosts ng kalabang noontime shows na Dos at Siyete, sina Willie Revillame at Joey de Leon.

Nagkita ang dalawa sa Fashion Show Mall habang namamasyal sila ay nagkagulatan ang dalawang hosts na ang akala ng marami ay magkaaway, dahil magkalaban din ang kanilang Masayang Tanghali Bayan at Eat Bulaga.

Nagkantyawan ang dalawa, "O bakit nandito ka?" tanong lang ni Joey kay Willie, "Heto, suspended ako! Bakit puro ako na lang ang nabibigyan ng suspension, dapat ikaw din!" saka sila sabay naghalakhakan.

Sa pagkukwentuhan ng dalawa sa Las Vegas ay napatunayan lang na walang problema sa pagitan nina Willie at Joey, ang kanilang mga programa lang ang nagbabangayan sa rating, pero ang mga hosts ay hindi nagpepersonalan.

Show comments