Rey Valera,may komposisyon na ayaw kantahin ni Rico J.

Masaya ang isang presscon lalo’t matagal nang magkakatrabaho ang mga artista. Ito ang feel ng mga dumalo sa pa-presscon ng Viva para sa nalalapit na konsyerto nina Rico J. Puno, Hajji Alejandro, Nonoy Zuñiga, Rey Valera at Marco Sison.

Pinamagatang The Greatest Hits...Just Once, magaganap ito sa Araneta Coliseum sa Agosto 2.

Dahil marahil si Rico J. ang pinaka-senior sa grupo kung kaya siya madalas ang bumangka. Di naman alintana ng apat kung paglaruan sila nito, sabi nga nila katuwaan lang ito.

"Kailan ko lang nalaman na mayroon pala akong isang komposisyon na tinanggihang kantahin ni Rico nung kasikatan niya," panimula ni Rey Valera. "Actually, ipinagkalat na ito ng aking ina sa probinsya namin sa Bulacan, na kakantahin ito ni Rico sa kanyang album. Laking kahihiyan ko nang hindi ito matuloy.

"Ito yung "Ako Si Superman" na nilagyan ko pa ng mga linyang ‘O Baby...’ na siyang trademark niya. Para mai-record lang, ako na lang ang kumanta. Sa awa ng Diyos nag-hit naman ito," patuloy na kwento ng kompositor din ng marami niyang awitin at maging ng mga awitin ni Sharon Cuneta.

"
Ayaw ko talagang kantahin dahil hindi bagay sa akin. Biruin mo, ang payat payat ko nun, tapos, sasabihin kong "Ako Si Superman". At saka nun, pa-humble pa ang image ko, tapos ang yabang-yabang ng kanta ko.

"Pero, nagkaroon din ako ng chance na maka-kanta ng isang composition niya. Yung "Sorry Na, Pwede Ba?" na naging hit din," paliwanag ni Rico J.

Sa kanilang Araneta concert, inaasahan ni Rey na muli siyang paglalaruan ni Rico pero, okay na lang sa kanya. Secure siya sa kanyang narating bilang isang musikero para maapektuhan ng mga pagpapatawa ni Rico. Hindi lamang naman siya kundi maging sila Nonoy, Hajji at Marco ay madalas i-goodtime ni Rico na malugod namang tinatanggap ng kanilang mga manonood.

Sinabi ni Rey na pinaka-paborito niyang komposisyon ang "Malayo Pa Ang Umaga" subalit nilinaw niya na lahat ng awiting ginawa niya ay hindi niya istorya kundi kasaysayan ng ibang tao.

Ang kanta niyang "Pangako Sa Yo" na ni-revive at ginawang theme song ng isang telenovela ng ABS -CBN ay binayaran ng P300,000 tuwing ikatlong buwan."

May isa siyang awitin na nag-hit din pero P500 lamang ang kinita niya. Ito ang "Kung Kailangan Mo ako" .

"Okay lang sa akin dahil Viva naman ang nag-promote nito. Syempre malaki ang ginastos nila para mapasikat ito kaya, wala akong reklamo at hindi ako nagtampo sa kanila," dagdag na kwento ng musikerong taga-Bulacan na umaming ang pagiging isang musikero ay di niya ginagawa para kumita. "Ang musicality ko ay isang art at ginagawa ko dahil love ko ito."
*****
Bukod sa pagiging isang mahusay na hairdresser, nagdi-discover na rin si Ness Astilla, may-ari ng sarili niyang salon na matatagpuan sa Shaw Blvd. at Libertad Sts, Mandaluyong City, ng mga artista. Sa rami ng mga lumalapit sa kanya at nagpapatulong na maging artista, nagbabalak na rin si Ness na magtayo ng kanyang talent agency.

Dalawa sa mga latest discoveries niya ay sina Katherine Insigne at Jenell Cinco na mapapanood sa isang pelikula ni Edgardo Boy Vinarao.

Anak ng isang Aleman si Katherine, isang staff sergeant sa US air force. Waray naman ang kanyang ina. Sa isang beauty contest siya nakita ni Ness nang kunin itong hurado. Bagaman at hindi ito nanalo, napiling Miss Ponds at Miss Avon ang 17 year old na mag-aaral ng AMA sa Tacloban City.

Mahilig ding magsasali sa mga beauty contest si Jenell pero sa salon ni Ness siya nakita nito nang minsang magpaayos siya.

May taas na 5’5" si Jenell at naging Miss Catbalogan Samar at Miss Herway ng Western Visayas. First runner-up siya sa Miss Southwestern College sa Cebu representing Commerce Dept. Tapos siya ng kursong management at accountancy. Lalahok sana siya sa nakaraang Mutya ng Pilipinas pero, di siya umabot sa deadline. Next time na lang daw. Sa ngayon, aasikasuhin muna niya ang kanyang pag-aartista.

Show comments