Yun ang dahilan kung bakit marami ang nagulat sa mga rebelasyong naglalabasan ngayon mula sa magkabilang kampo, ang pahayag ni Ronnie na ang lalaking nakita niyang kasama ni Eula sa mga retrato nung nagsasama pa sila at ang Richard Litonjua na inaamin na ngayon ni Eula na karelasyon nito, ay iisa lang.
Sa panig naman ni Eula ay nakagugulat ang deklarasyon ng aktres na sa unang taon pa lang ng kanilang relasyon ni Ronnie ay sinasaktan na ito nang pisikal ng aktor-musikero, na pati raw ang ina nito ay naospital nang dahil kay Ronnie, mga kwentong nakapagtataka kung bakit ngayon na lang naglalabasan.
Naghiwalay sina Ronnie at Eula noong January 11, hindi December 31, tulad ng sinasabi ni Eula sa mga panayam. Kung nung katapusan ng Disyembre pa lang ay hiwalay na sila ni Ronnie, bakit at paanong nangyari na nakipagdiwang pa sila ng Bagong Taon sa bahay ni Tito Dolphy sa Marina Bay, at nakapunta pa sila sa bahay ng kapatid ni Eula sa Susana Height nung mismong Bagong Taon?
Nakapagtataka rin na nakapag-outing pa sila sa Matabungkay nung January kasama ng kanilang anak na si Miguel, pati na ang kanilang mga kaibigang sina Sharmaine Suarez at Mai-Mai Davao, kung hiwalay na pala sila.
Sabay na umalis sa kanilang bahay sa Pilar Village, Las Piñas sina Ronnie at Eula nung January 11, kinailangan lang na bumalik dun ng aktor dahil sa pakiusap sa kanya ng kanilang anak na si Miguel.
Pangalawa, sa kanilang bahay nakatira ang ina ni Eula at wala naman sigurong inang pababayaan na lang saktan ng kahit sino ang kanyang anak, kaya bakit wala namang lumabas na balita noon na nananakit si Ronnie?
Ang showbiz ay hulmahan ng tsismis, on-the-record o off-the-record man ang isyu, kapag may nagaganap ay nagiging bahagi ng mga palihim na kwentuhan ang mga nangyayari tungkol sa mga artista.
Nakapagtataka lang na sa loob ng siyam na taon ng kanilang pagsasama na binubuo na pala ng mga bugbugan ayon kay Eula ay wala man lang lumutang na kuwento tungkol dun?
Ang pinaghawakan daw ng aktres ay baka sakaling magbago pa si Ronnie, kaya tumagal pa siya nang siyam na taon, napakahaba naman yata ng palugit na panahon na sinasabi ni Eula?
Mula sa pagtatanong-tanong ay nakarating sa amin ang impormasyon na nagkaroon nang matinding pagtatalo sina Ronnie at Eula nung gabi ng Disyembre 31 dahil nahuli ng aktor ang e-mail ni Richard Litonjua na nasa Australia nung mga panahong yun.
Hindi na namin idedetalye pa ang nilalaman ng e-mail ng lalaki, pero dapat nang sabihing ikinagalit ni Ronnie ang sulat, dahil ang kabuuang nilalaman nun ay hindi mensahe ng isang lalaki sa isang kaibigan babae lang.
Bago ang e-mail na yun ay nagdududa na rin si Ronnie sa mga ikinakilos ni Eula, idagdag pa ang mga ebidensiyang hawak ngayon ni Ronnie, na kung kailan nito ilalabas ay hindi namin alam.
"Wala pa akong sinasaktang babae sa buong buhay ko, yung sinasabi niyang physical struggles namin, pinipigilan ko lang siya dahil violent tendencies si Eula, mahilig siyang magbasag ng mga gamit kapag nagagalit siya.
"Yung kuwento niyang naospital ang mama niya dahil nasagi ko, hindi ko sinasadya yun, wawasakin niya kasi ang keyboard ko, kaya pinipigilan ko siyang huwag sirain yun.
"Alam niya ang totoo, alam ko rin kung ano ang totoo, kunsensiya na lang naming dalawa ang bahalang humusga kung sino sa aming dalawa ang nagsasabi ng katotohanan.