Dalawang araw lang na namalagi sa lungsod ang ama ni Mura, hindi ito maaaring magtagal dito, dahil wala raw mag-aalaga sa kanilang mga pananim sa Bicol.
Maligaya si Mura sa pagdating ng kanyang papa, matagal nang nami-miss ng munting host ng MTB ang kanyang mga kapamilya, lalung-lalo na ngayong may kakayahan na siyang makatulong sa mga ito.
"Nagpadala po ako ng pera sa papa ko, kailangan po kasi niya ng panggastos ngayon sa mga pananim namin, bibili po siya ng mga pataba para maganda ang magiging ani namin sa palayan," parang 40-anyos na kung magsalita ang munting host ng MTB.
Habang nandito ang kanyang ama at mga kapatid ay pinalipas niya ang panahon sa pakikipagkwentuhan sa mga ito, namasyal din sila at namili ng mga gamit na maiuuwi ng mga ito sa Bicol, dahil sa bundok nga nakatira ang kanyang pamilya.
"Mahirap po kasi ang buhay namin sa bundok, kailangang kumpleto kami sa magamit dun, dahil ang layu-layo ng bayan sa amin.
"Okey naman po ako rito, mababait naman ang mga kumukupkop sa akin, kaya mas kailangan nila ng pera sa Bicol. Sana nga po, magtagal ang trabaho ko, para mas matulungan ko pa ang pamilya ko," pangarap pa ni Mura.
Gusto niyang maibili ng TV set si Mang Juanito Padua, de-baterya lang muna ang telebisyong bibilhin ni Mura para sa kanyang ama, dahil wala pa palang kuryente sa kanilang lugar.
"Gusto ko po kasing napapanood ako ng pamilya ko sa Guinobatan, para nasusubaybayan nila ang mga nangyayari sa akin dito sa Maynila.
"Masaya po sila sa mga nangyayari sa akin dito, pero mas masaya po ako, kasi, nung makita ako ni Kuya Willie (Revillame) sa pasilyo, pauwi na po sana ako noon dahil nagsara na nga ang club na pinagtatrabahuhan ko.
Kahit walang mga tanong na ipinababasa sa kanya ay kayang magdala ng interbyu ni Mura, para siyang matanda kung sumagot sa mga tanong, kaya ang sarap-sarap niyang kausap.
Pero ang pinakapanghalina ni Mura ay ang maganda at makulay niyang buhay sa probinsiya, kapag narinig mo na ang kanyang mga kwento ay makikisimpatya ka sa kanya, lalo na kapag nagsimula na siyang maglitanya tungkol sa namayapa niyang ina.
"Limang taon po ako nang mamatay ang mama ko, pero wala po akong nasabi sa kanya dahil pitong taon na ako nang makapagsalita.
"Sayang nga, hindi man lang niya nakita ang mga nangyayari sa akin ngayon, sana man lang, naibigay ko ang mga gusto niya mula sa kinikita ko ngayon sa ABS-CBN," malungkot na sabi pa ni Mura.
Sentro siya ng kontrobersiya ngayon, malalim ang pagtutok ng marami sa kanyang kasarian, babae nga ba siya o lalaki?
May mga nagsasabing babae siya, meron namang mga nagsasabing lalaki siya na dinadamitan lang ng pambabae, pero ang lahat ay hindi na lang muna binibigyan ng pansin ni Mura.
"Ang mahalaga po para sa akin ngayon, e, ang makapagpaligaya ako ng mga tao, nakikita ko naman po na maraming natutuwa sa mga ginagawa ko," makahulugang sabi pa ng munting host ng MTB.