Ruffa, G. Toengi nag-isnaban sa kasal ni Donita Rose

Ang aming mole sa L.A. ang nagbalita sa amin na nag-isnaban umano sina Ruffa Gutierrez at G. Toengi sa Christian wedding nina Donita Rose Cavett at Eric Villarama na ginanap sa isang garden sa loob ng Bacara Beach Resort sa Santa Barbara, California nung nakaraang Lunes, Hunyo 9 na nagsimula sa ika-5:30 ng hapon.

Dumalo rin ang live-in sweethearts na sina DJ Mo (Mo Twister) at ang dating Talent Center member na si Jeanette McBride na parehong nag-aaral ngayon sa Amerika. Hindi umano nag-attend si DJ Mo ng baby shower party ni Ruffa sa New Otani Garden dahil naroon si Bunny Paras, ang ina ng anak ni DJ Mo na si Moira.

Since nagmula pareho sa now-defunct That’s Entertainment program sina Ruffa Gutierrez at Donita Rose, hindi umano napigilan ni Kuya Germs (isa sa mga tumayong ninong sa kasal nina Donita at Eric) ang ipahayag ang kanyang sama ng loob sa pamunuan ng GMA-7 dahil sa pagkawala ng programa sa ere na siyang kaisa-isang source ng mga kabataang artista kung saan nagmula ang mga top celebrities natin sa industriya. Dalawa sa mga tumayong principal sponsors ay sina G. Menardo Jimenez at Wilma Galvante ng GMA-7 ang naroon.

Isang gospel song ang inawit ni Gary Valenciano sa wedding ceremony at dalawang awitin naman ang kanyang kinanta sa reception, ang "Take Me Out of the Dark" at "Butterfly Kiss" habang si Nanette Inventor naman ay nagpamalas ng kanyang comic monologue.

Kung si Angeli Pangilinan-Valenciano, manager ni Donita at isa sa mga tumayong ninang ay nagbigay ng inspirational talk at si Kuya Germs ng dramatic speech, kakaiba naman ang naging mensahe ni Ruffa sa bagong kasal.

"O Donita, naunahan na kita sa wedding and having a baby, kaya Eric, magsimula ka na ngayong gabi!"

Bukod sa bride, si Ruffa umano ang pinaka-glamorosa at stunning na dumalo sa kasal. Naka-Lou Razon gown ito at hindi na nito naisuot ang gown na gawa ni Inno Sotto na dala pa sa kanya ng mommy niyang si Annabelle from Manila.

Ang nanalong Mr. International (na ginanap sa India) na si Alexander Aquino ay isa rin sa mga bisita nina Donita at Eric.

Hindi umano appropriate ang kasuotan ni G. Toengi sa kasal na naka-ballet-type black outfit na animo’y dadalo sa isang disco party.

Ang dating recording artist ng OctoArts na si Jeanette Bautista (ng Manila Genesis) ang naging punong-abala sa kasal dahil hindi umano tumupad ang wedding planner sa usapan.

Ang kasal nina Donita at Eric ay ginastusan ng $80,000. Ang $50,000 ay nagmula kay Donita habang ang $30,000 ay nagmula naman kay Eric. Kung ito’y ating iku-convert sa ating pera at P53 to a dollar, abot ito ng P4.2-M.

Masayang-masaya ang bagong kasal at halata umanong pareho silang in-love sa isa’t isa.
* * *
E-mail me at: <a_amoyo@pimsi.net>

Show comments