Si Josh ang buhay ni Kris

Maraming nakikiusap sa amin, pakitanong daw namin kay Kris Aquino kung saan siya kumukuha ng lakas ng loob sa sobra-sobra niyang pagtatrabaho?

Meron siyang dalawang pang-araw-araw na programa sa telebisyon, bukod dun ay meron pa siyang The Buzz, minsan sa isang linggo, at bukod dun ay meron pa siyang tinatanggap na kaliwa’t kanang trabaho na ewan kung paano siyang nakakaraos.

Kapag nasa ere na si Kris ay hindi mo mapapansin sa kanyang paghu-host na madaling araw na siyang natapos sa trabaho nung araw na yun, masiglang-masigla pa rin siya, at hindi siya nagkakamali-mali sa kanyang paghu-host.

"Wala lang, I don’t take too much vitamins, ang iniinom ko lang, Vitamin C dahil madali akong sipunin and Vitamin E, yun lang!" nakatawang sabi ni Kris.

Malaking tulong sa kanya ang hindi paninigarilyo at pag-inom, nakukumpleto niya ang walong oras na pagtulog hanggang kaya ng kanyang iskedyul, pero nakakalula pa rin ang kanyang kalendaryo kapag tiningnan mo.

Punumpuno yun, araw-araw ay meron siyang trabaho at maswerte nang makita mong malinis ang kahit isang araw lang sa bawat linggo sa buhay ng magaling na TV host.

Tinukso namin ang bagong tagapag-endorso ng Leonardo Bags, kaligayahan nga siguro ng damdamin ang bitamina niya sa pagtatrabaho, iba kasi ang nagagawa ng pag-ibig sa tao.

Mas ngumiti si Kris, ngiting makahulugan na para bang nasapul na namin ang sagot, pero ayaw lang niyang kumpirmahin.

Kulay rosas kasi ang kapaligiran ngayon ng actress-TV host dahil sa kanilang pagmamahalan ni Mayor Joey Marquez, kahit anong pagtatago pa ang kanilang gawin para huwag gawing karnabal ang kanilang relasyon ay hindi maitatanggi ang katotohanang ang kanilang pagmamahalan ang susi ng kanyang kasiglahan sa kabila ng hanggang leeg niyang pagtatrabaho.
* * *
Pero bukod dun, si Joshua ang buhay ni Kris, alisin mo sa kanya si Josh at parang pinatay mo na rin ang TV host, kapag ang kanyang anak na ang paksa ay parang makinang walang pahinga ang kanyang bibig.

Mommy Kris kung tawagin siya paminsan-minsan ni Josh, Dada naman ang tawag nilang pareho kay Phillip Salvador, ang ama ng bata.

Sa edad ngayon ni Joshua na walong taon ay nangangailangan ito ng ispesyal na atensyon, sumasailalim sa proseso ng therapy ang bata, isa sa mga dahilan kung bakit kinakaya ni Kris ang pagtatrabaho ng walang patlang.

Iba’t ibang linya ang pinasusubok niya kay Josh, may swimming lessons ngayon ang kanyang anak, meron pang voice lessons, makakatulong yun ng malaki sa kakapusan ng kanyang anak.

Si Josh, ayon kay Kris, ang kaisa-isang taong nakaunawa sa kanya nung mga panahong ipinako siya sa krus ng publiko, nang magkaroon sila ng hidwaan ng kanyang ina, nung mga panahong ang tingin sa kanya ng mundo ay wala siyang kadala-dala.

"Kapag magkatabi kami, magpapayakap siya nang mahigpit sa akin, he’ll make you feel that he’s just there for you, yayakapin niya ako, hahalikan nang hahalikan, ganun si Josh!" kwento pa ni Kris.

Mahal na mahal niya si Josh, kaya dumating siya sa puntong kapag nagpakasal na siya ay hihilingin niya sa lalaki na huwag siyang magpalit ng pangalan, Aquino pa rin ang kanyang dadalhin para hindi nag-iisa si Joshua.

"Weird, talagang weird, pero yun ang ipapakiusap ko sa pakakasalan ko, I’ll still carry my name, para may kasama pa rin si Joshua!

"Naaawa kasi ako sa kanya, hindi man papayag si Phillip na i-adopt ng pakakasalan ko si Josh, kaya naaawa talaga ako sa anak ko kung siya lang ang mapapaiba ang apelyido sa amin!

"I’m sorry kung weird ako at mahirap maintindihan ang sinasabi ko, pero yun talaga ang gusto kong mangyari.

"Ayokong maging kawawa ang anak ko, ayokong mahiwalay siya sa akin, ayoko siyang makitang nasasaktan," pahayag pa ni Kris.

Show comments