Akala rin namiy nagbibiro siya nang sabihin niya sa amin na tutugtog na raw sila sa isang bar sa Eastwood sa Libis. Anibersaryo ng isang kompanya at nahilingan silang mag-guest sa okasyon, kaya pinanood namin sila.
Mas malakas ang mga sigaw sa paligid kaysa sa kanta ng banda, dahil maraming kababaihan ang kinikilig sa kagwapuhan ni Cogie.
At hindi naman sa pagbubuhat ng bangko, dahil anak-anakan namin si Cogie, pero sa kanyang mga kagrupo naman kasi ay pinakalutang ang kagandahan-lalaki ng young actor.
Nagpagupit pa siya ng araw na yun na mas bumagay sa kanya. Talagang pangalan niya ang isinisigaw habang naka-set ang kanilang banda.
Noon pa mahilig kumanta si Cogie, hindi pa naman ganun kakinis ang kanyang boses, pero hindi siya nakaiiritang pakinggan at hindi siya nangangailangan ng ghost singer.
Napatunayan namin yun nang maging guest siya sa birthday concert ni Alma Moreno sa Cuneta Astrodome, napakataas ng tono ng Kung Mawawala Ka, pero tinapos niya yun nang walang sabit.
Syempre mas malakas ang mga tilian sa paligid, malakas ang dating sa publiko ni Cogie at isa yun sa mga nagpapalakas ng kanyang loob.
Tapos na ang seryeng pinagtatambalan nila ni Sunshine Dizon sa Siyete, ang Kung Mawawala Ka, pero may bago nang programang nakalaan ang network para kay Cogie.
Mahal ng istasyon ang batang aktor. Kahit nung mga panahon kung anu-anong isyu ang idinidikit sa pangalan ni Cogie ay hindi siya pinabayaan ng Siyete, buong-buo pa rin ang tiwala sa kanya ng network.
Malakas ang kanilang dating sa sirkulo ng mga kabataan, dahil tanggapin natin ang katotohanan na kadalasan ay walang pakialam ang ibang tao sa ganda ng boses at galing ng banda, ang tinitingnan nila ay ang itsura ng mga myembro ng banda.
At sa aspetong yun ay panalo ang Fairground, may itsura silang lahat.
Maraming oras niya ngayon ang kinakain ng band rehearsal, inaabot sila ng madaling-araw sa pag-eensayo.