Award winning actress, walkout sa Santacruzan

Magaling umarte ang sikat na ring sexy actress na naikwento ng aking source. Katunayan ay nagkaroon na ito ng acting award. Dahil maganda rin at sexy ang aktres ay kinuha itong mag-Reyna Elena sa isang Santakrusan somewhere in Metro Manila. Maraming tao ang nanood sa aktres, pero may isang baguhang starlet na kasama rin sa Santakrusan ang umagaw ng higit na atensyon kaysa sa aktres. Mas sinisipulan ito (starlet) ng mga kalalakihan habang naglalakad dahil bukod sa magandang mukha ay sexy pa rin ito at namumukod tangi sa kanyang gown.

Ang ending, na-insecure yata ang sexy actress at bago natapos ang prosisyon ay bigla na lang itong nawala at hindi na sumama sa bahay ng hermana mayor kung saan may masaganang hapunan sana ang pagsasaluhan ng lahat ng mga kasali sa malaking pa-Santakrusan.

Kung noon ay lagi itong bida sa mga sexy movies ngayon ay pang-suporta na lang ang sexy actress na ito na nag-disappear sa Santakrusan.
Di Pa Handang Pakasalan Ang Nobya
Maganda sa personal ang naanakang nobya ni Mark Anthony Fernandez na si Melissa Garcia. Tatlong taon ang tanda ng aktor sa kanya. Mayroon silang lovechild na isang taon at kalahati. Kamukhang-kamukha ni Mark ang anak na lalaki na pinangalanang Cameron.

Magkapitbahay ang dalawa sa Tahanan Village at araw-araw ay dinadalaw ng aktor ang kanyang mag-ina. May nagtanong kay Melissa kung bakit hindi na lang sila mag-live-in ni Mark para lagi siyang nakakasama ng anak.

"Magsasama lang kami kapag kasal na kami," aniya.

Hindi pa rin handang pakasalan ni Mark ang nobya dahil gusto pa nitong makaipon para sa magandang kinabukasan ng anak gayundin sa magiging pamilya niya. Pero inamin naman nito na mahal niya si Melissa lalo na ang kanilang anak kaya inspirado ngayon sa kanyang trabaho ang magaling na aktor.
Rustom, Magdidirek Na Rin
Sinabi ni Robin Padilla na magpu-full blast na ang produksyon nilang magkakapatid sa paggawa ng pelikula. Sa initial venture nilang Alab Ng Lahi ay kasosyo nila si Jacky Woo.

Samantala, kasalukuyang nasa Amerika si Rustom Padilla na nag-aaral ng filmmaking. Malaki ang maitutulong ng pag-aaral niya sa pagpapatakbo ng kanilang film outfit at baka magdirek na rin.

Sa isang pakikipag-usap naman kay Rommel na siyang tumayong line producer ng pelikula ay mag-aaral na rin ito ng cinematography. Matagal na nilang pangarap na magkakapatid na makapagprodyus ng pelikula at ngayon ay natupad na rin. Pero kasosyo nila si Jacky Woo na gumaganap na Japanese police officer sa Alab ng Lahi.
Carmina, Nangangayayat!
Maraming nakapuna na sobra ang pangangayayat ni Carmina Villaroel ay naiintriga itong kayod-marino dahil di sapat ang kita nito sa pamilya dahil wala namang gaanong trabaho ang ka-live-in niyang si Zoren Legaspi.

Ayon kay Mina ay nagpapataba na siya ngayon at hindi na siya gaanong nape-pressure sa trabaho dahil isang beses na lang sa isang linggo kung siya’y magteyping para sa soap opera na Narito ang Puso Ko kung saan kontrabida ang papel na ginagampanan nito.

Idinagdag pa ni Mina na nasanay na ang kanyang tiyan sa kakaunting pagkain at isa pa, may braces siya kaya hindi rin makakaing mabuti. Ngayong magkasama na sila ni Zoren sa GMA ay binabadyet ng mabuti ng aktres ang kanyang time schedule dahil prioridad pa rin sa kanya ang pamilya kung saan personal niyang inaasikaso ang pangangailangan ng kambal na anak.

Hindi naman apektado si Zoren sa itsura ngayon ng ka-live-in kahit humpak na ang pisngi nito sa sobrang kapayatan dahil sinabing hindi naman nagbabago ang pagmamahal niya kay Mina.

Show comments