'Pakners' ni FPJ, na-pirate agad

Dalawang araw pa lang napapalabas ang pelikula nina Fernando Poe, Jr at Efren "Bata" Reyes na Pakners aba eh nagkalat na ang pirated copies nito. Anong nangyari? Malaki tuloy ang naging epekto nito sa kinita ng pelikula na nagsimulang mapanood sa mga sinehan noong nakaraang Miyerkules.

Bagamat lumalaban naman ito sa box office, pero ang pakiramdam ko, mas pinilahan ito sa mga bangketa dahil nagkalat nga sa kalsada ang pirated copy ng pelikula. Biruin mo, nagsisimula pa lang ipalabas sa mga sinehan, nakipagsabayan agad ang taong walang konsensya at gustong kumita ng walang kahirap-hirap.

Napanood n’yo ba? Kung hindi pa, panoorin n’yo pero dapat sa mga sinehan. Huwag kayong bibili ng mga piratang kopya.

Maganda ang kuwento nito at talagang suporta lang si FPJ kay Bata. Pangalawang beses na niya itong ginagawa. Pero parang hindi sanay ang kanyang mga followers na hindi naka-focus sa kanya ang pelikula. Hinahanap ng mga moviegoers na naka-concentrate sa kanya ang kuwento ng isang pelikula.

Pero wala pa ring makakatalo sa pagiging hari ni FPJ sa pelikula. Malakas din ang suporta sa kanya ng San Miguel na kitang-kita sa pelikula.
* * *
Patok na patok din sa takilya ang movie ni Aiai delas Alas na Ang Tanging Ina. Kahit bumabagyo, talagang sumugod ang mga tao para panoorin ang launching movie ni Aiai.

Ngayon ko lang masasabi na ganitong uri ng panoorin ang hinahanap ng mga tao ngayon. Lalo na nga at maraming problema at kaguluhan na nangyayari sa ating paligid, gusto nilang tumawa.

Maging ang Bruce Almighty ni Jim Carrey ay pumatok din sa takilya. Katulad ng Ang Tanging Ina, katatawanan din ito kaya dinumog ng mga moviegoers.

Congratulations sa lahat ng mga pelikulang ipinalabas at kumita - Pakners, Ang Tanging Ina at Ang Kapitbahay starring Belinda Bright na humabol sa takilya.

Sana nga ay magtuloy-tuloy ang magandang suporta ng manonood ng pelikulang Tagalog.
* * *
Marami ang nagulat nang biglang lumabas sa stage ang tanyag na singer na si Dionne Warwick at nagsermon sa mga nanood ng kanyang concert noong Biyernes ng gabi na ginanap sa Aliw theater. Wala kasing sabi-sabing lumabas ng stage si Dionne at nag-lecture dahil hindi raw siya sanay na naghihintay.

Sanay kasi ang karamihan sa atin na magpa-late sa mga concerts, shows o kung ano pa mang lakaran. Akala kasi ng iba, sa lahat ng oras puwede ang ganitong bad habit natin. Pero hindi sa singer na si Dionne Warwick. Very professional siya kaya sinimulan niya ang show sa original na schedule kahit hindi pa nakakapasok ang lahat ng nakabili ng ticket.

Pero pagkatapos naman niyang mag-sermon sa audience, isang masayang show ang ibinigay niya. Lahat ng mga kanta niyang pinasikat ay kinanta ng gabing ‘yun. Ako nga na nasa may gitna ay talagang nag-enjoy sa kanyang mga kanta.

Binigyan ko siya ng souvenir items at nakita ko kung paano niya ‘yun inappreciate. Mga native arts, tulad ng jeepney, kalesa na pawang gawang Pinoy siyempre. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng isang masayang pictorial. Sayang nga at hindi ko naipadala sa PSN office para makita n’yo dito sa column ko.
* * *
Binabati ko ang mag-asawang Isabel Granada at Gerky Genasky sa kanilang first baby boy. Isang malusog na angel ang iniluwal ni Issa noong nakaraang Huwebes sa Angeles City.

Ganap ng magulang si Isabel. Alam kong handa ka na sa iyong responsibilidad.

Congratulations anak at sa iyong inang si Mommy Guapa. May apo na siya.

Show comments