Masakit man ay diretso ring ipinahayag ni Junjun na siya ang kinaliwa ni Sherilyn, may mga hawak siyang ebidensya ng pangangaliwa nito, kaya siya nagsampa ng petition for annulment ng kanilang kasal.
Mararamdaman sa mga pahayag ni Junjun ang pinaghalong sakit ng loob at panghihinayang sa isang relasyon na inakala niyang hahantong sa kanilang pagtanda ni Sherilyn, pero dahil sa pagiging mabuway ng disposisyon nito, ang pinangarap nilang relasyon ay nauwi sa wala.
Pero kahanga-hanga si Junjun, kung sa ibang lalaki lang naganap ang nangyari sa kanya habang nagsasama pa sila ni Sherilyn, siguroy nanghiram na ng mukha sa aso ang babae sa ganung sitwasyon.
Ang emosyon kasi ay humuhulagpos, walang may pinag-aralan at mal-edukado kapag emosyon na ang pinag-uusapan, nakalilimot sa wastong asal ang mga taong nasasaktan.
Lalo na sa posisyon ni Junjun na literal na nilagyan ng dumi sa ulo ng kanyang asawa, ang paglalagay niya ng sitwasyon sa mga kamay ng batas ay kasalu-saludo, kahanga-hanga ang kapasidad niyang kontrolin ang kanyang sarili sa napakakrusyal na sitwasyon.
"Meron din akong tendency na magalit, pero hanggang salita lang ako, never kong pinagbuhatan ng kamay si Sherilyn despite what happened," sabi ng kapatid nina Randy, Rowell at Raymart.
Hiwalay din pala sa asawa ang basketball player, ang asawa naman nito ang nagsampa ng petition for annulment, kaya pinagtagpo ng kapalaran ang dalawang inayawan ng kani-kanilang asawa.
Ngayon ay halinhinang pinalalaki nina Junjun at Sherilyn ang kanilang apat na taong-gulang na anak na si Reily Paolo, ingat na ingat si Junjun sa bata, kapag may interbyu sila ni Sherilyn sa telebisyon ay hindi nila ito pinapapanood.
Si Junjun ang pinakapribado sa magkakapatid na Santiago, palagi lang siyang nasa likod ng kanilang produksyon, wala siyang hilig humarap sa mga kamera.
Nung malaman niya ang kawalang-katapatan ni Sherilyn sa kanilang relasyon, lalo na nung mahawakan na niya ang mga ebidensya, ay tumira siya sa ancestral house ng mga Santiago.
Doon naghalinhinan sa pangangalaga sa kanya ang magkakapatid na Santiago, isinasama ng mga ito si Junjun sa kanilang mga lakad at lalong hindi nagkulang sa pagsuporta sa kanya si Mommy Celing.
"Ang laking bagay ng ginawa sa akin ng mama ko at ng mga kapatid ko. Masyado kaming close sa isat isa, kung sino ang nangangailangan ng suporta, naka-ready ang bawat isa sa amin," nakangiting pahayag ni Junjun.
Ngayong nadesisyunan na ng korte ang kanilang pagpapakasal nang dalawang beses ni Sherilyn ay nakahihinga na nang maluwag si Junjun, hindi nga naman ang ina ng kanyang anak ang simula at wakas ng kanyang buhay, hindi lang naman si Sherilyn Reyes ang nag-iisang isda sa malawak na dagat.
At bata pa si Junjun, isang araw ay makakatagpo rin siya ng babaeng magiging tapat sa kanya at sa kanilang relasyon.