Meralco di pa nga nakakapag-soli ng overpayment nagtaas pa ng singil

Ano ba namang klaseng labanan ito between the consumers and MERALCO? Hindi pa man kami tumatanggap ng kahit singkong duling mula sa sobrang ibinayad namin sa kuryente ayon sa desisyon ng Korte Suprema, salamat sa kanila, ay eto at lalong tumaas ang singil sa amin ng MERALCO. Mukhang magkasolian man, sa amin pa rin kukunin ng MERALCO ang ibabalik nila sa amin. Kung mababalik man ang pera namin.

Sobra talaga ang taas ng singil ng MERALCO at walang laban ang mga gumagamit ng kuryente. Kung akong nakapagtapos sa mataas na paaralan ay hindi marunong bumasa ng metro, gaano pa kaya yung mga mangmang?

Magtatatalak man kami nang magtatalak kapag nagbabayad ng kuryente ay wala namang epek dahil sabi ng pinagbabayaran namin, wala silang alam tungkol dito, tumatanggap lang sila ng bayad. Oo nga naman. Ewan ko lang kung sila man ay nasisingil ng mataas at di lamang makapagreklamo dahil taga-MERALCO sila.

SOS, Madam President Gloria Macapagal Arroyo. Baka po wala na kaming pambili ng pagkain dahil napupunta ng lahat sa kuryente ang lahat naming kita.
*****
Sayang hindi ko na nasaksihan ang palabas ni Patricia Javier bilang launching ng kanyang Patricia Javier, Barenaked na gawa ng Viva Entertainment sa Dish Rockwell nung Miyerkules.

Ang imbitasyon na 7:30 ay naging almost 10:00 pm na at pagkatapos ay napakatagal pang magpasakalye ng ini-assign na emcee na bago raw artist ng Viva at nagngangalang Asia Agcaoili. Paulit ulit siya at napaka-hardsell. Napaka-disente lang ng audience na ipakita ang pagkainis nila because she wasn’t just selling PJ, ibinibenta na rin niya ang sarili niya. Iwanan ko nga, hmmph!

I’m sure PJ will do justice to Patricia Javier, Barenaked. Wala pa naman siyang naging trabahong hilaw. Kaya nga ang napaka-hinhin na babaeng nakilala ko bago pa siya naging PJ at kilala pa sa tunay niyang pangalang Genesis ay itinuturing na isa kundi man pinaka-daring na artistang babae sa industriya ng pelikula. Ibinigay na niya, at ipinakita pa ang lahat na pwede niyang ipakita sa kanyang video na hindi pa man nakapagsisimula ang launching ay binibili na ng maraming babae para iregalo sa kanilang mga mister! O, di ba?!
*****
Malaking laban naman ang ibinibigay ng tandem nina FPJ at Efren "Bata" Reyes ng pelikulang Pakners sa dalawang kalaban nito. At hindi naman ito napag-iwanan ng mga kalaban, salamat sa naroroon pa ring karisma ng Hari ng Aksyon at ng di pa rin nawawalang kasikatan ng Hari ng Bilyar. Somehow ang kasimplihan nilang dalawa ang humahatak ng mga manonood sa mga sinehan na nagpapalabas ng Pakners.

Sa Hulyo 12, pormal nang mai-induct si Bata Reyes sa Billiard Congress of America (BCA) Hall of Fame. Pinapurihan siya ng Billiards Digests sa editoryal nito.
*****
Ang katatapos na state visit sa US ni Pangulong GMA ang pinaka-matagumpay na pagdalaw ng isang pangulo ng ating bansa sa pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Tampok ito sa The Working President na mapapanood sa ibat ibang TV network sa pagitan ng Mayo 29 hanggang Hunyo 12.

Ang host ng The Working President ay ang youth role model na si Jolina Magdangal, Ito ay prodyus ng Office of the Press Secretary sa pamamagitan ng PBS-RTVM.

Show comments