Bong, ama ni Roi Vinzon sa 'Putik'

Magkasama kami ng ating kaibigan at kasamahan sa panulat na si Ronald Constantino na pinanood ang High Time Concert ni Dingdong Avanzado sa Music Museum nung nakaraang Sabado (May 24) ng gabi. Namataan din namin doon sina Ricky Lo, Ogie Diaz, Archie de Calma at iba pang entertainment writers. Naroon din sa audience ang singer-comedienne na si Marissa Sanchez kasama ang kanyang non-showbiz boyfriend, ang dating mayor ng Quezon City na si Mel Mathay kasama ang kanyang girlfriend na si Vilma Valera, ang ex-boyfriend actor ni Rica Peralejo na si Bojo Molina kasama ang mga Filipino businessmen na naka-base sa Guam. Ang nasabing concert ay pang-16th anniversary presentation ni Dingdong who’s celebrating his 16th year in the entertainment business.

Matagumpay na maituturing ang nasabing concert ni Dingdong sa Music Museum dahil bukod sa napuno ito, maganda ang production value ng show sa direksyon ng stage-TV-and-movie director na si Louie Ignacio. Naging mga ispesyal na panauhin ni Dingdong sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid at Kyla kasama ang Whiplash Dancers with Elmer Blancaflor (ng A-Petite Band) na siyang tumatayong musical director.

Maganda ang selection ng mga writing kinanta ni Dingdong at kabilang na rito ang kanyang mga hit songs tulad ng "Tatlong Beinte Singko" (his opening song).

Inawit din ni Dingdong ang kanyang latest hit song na "Walang Kapalit". Impressive ang duet nila ni Regine Velasquez sa awiting "We’ve Got Tonight" ni Ronald Keating, ganundin din ang duet nila ni Kyla, ang "Nobody Wants to Be Lonely" nina Ricky Martin at Cristina Aguilera pero kwela sa amin at sa audience ang repartee at dueto nila ni Ogie Alcasid ng "Paalam Na" (komposisyon ni Dingdong) at "Kailangan Kita" (na komposisyon naman ni Ogie). Dito ay napatunayan nila na pareho silang talented singers at composers.

Bukod sa kanilang duets, nagpaunlak ng spot solo numbers sina Regine, Ogie at Kyla. Pero kakaiba ang naging dueto nina Dingdong at ng kanyang misis na si Jessa Zaragoza sa awiting "Ikaw" (isa sa mga cuts ng bagong album ni Dingdong under Star Records). Habang si Dingdong ay live on stage ang portion naman ni Jessa ay pre-taped at ito’y ipinalabas sa wide screen na animo’y live ang kanilang duet. Napanood na rin namin ang ganitong konsepto many years ago sa live concert ni Natalie Cole sa FAT kung saan naka-dueto niya sa awiting "Unforgetable" ang kanyang yumaong amang si Nat King Kole.

Maganda ang stage design at stage lightings ganundin ang mga areglo ni Elmer Blancaflor but the over-all credit goes to the over-all director, Louie Ignacio.

Ngayong napatunayan na ni Dingdong na kaya niyang mag-concert at punuin ang Music Museum, kailangan na siguro niyang paghandaan ang susunod niyang major concert sa isang mas malaking venue tulad ng Folk Arts Theater, ULTRA o di kaya Araneta Coliseum.

Meantime, hihintayin muna niya ang paglabas ng kanilang first baby ng wife niyang si Jessa, si Janelle Amanda na bibigyan nila ng palayaw na Jayda.
* * *
Posible bang maging mag-ama sina Bong Revilla at Roi Vinzon sa pelikula? Di ba, mas matanda di hamak si Roi kay Bong? Paano mangyayari yon?

Totoo, gumanap na mag-ama sina Bong at Roi sa pelikulang Bertud ng Putik na magkatulong na dinirek nina Ogie Salvador at Marlon Bautista for Imus Productions. At kung paano ito nangyari, kailangan panoorin ninyo ang pelikula and discover for yourself kung paano naging possible na maging mag-ama ang dalawang action stars sa pelikula.

Ang Bertud ng Putik ay siyang pang-Manila Film Festival entry ng Imus Productions. Bukod kay Bong, tinatampukan din ito nina Roi Vinzon, Regine Tolentino, Rochelle Pangilinan ng Sex Bomb Dancers, Michelle Estevez, Jeffrey Tam at Goyong.

May travel zone ang pelikula na magsisimula sa taong 1953 hanggang 2003.
* * *
Personal naming nakita ang kasalukuyang girlfriend ni Michael de Mesa sa Gold concert ni Nora Aunor na ginanap sa Araneta Coliseum last May 17. Kung hindi kami nagkakamali, the girl is in her early or mid-20’s. When we saw the girl, naisip naming bigla ang ex-wife ni Michael na si Gina Alajar.

Wala nang kirot sa puso ni Gina kung malaman man niyang meron na siyang kapalit sa puso ni Michael dahil matagal na umano niya itong tanggap. Sa ngayon, pinagtutuunan ni Gina ng attention ang kanyang pagiging ina sa kanyang tatlong anak na sina Ryan, Jeffrey at AJ at ang kanyang pagiging actress-director. Malapit nang ipalabas ang pelikulang Sanib isang horror movie na pinagbibidahan ng sexy star na si Aubrey Miles mula sa direksyon ni Celso Ad Castillo at isa sa mga official entries sa darating na Manila Film Festival. Co-director din si Gina sa bagong sisimulang tele-drama sa GMA, ang Narito Ang Puso Ko na pinangungunahan nina Jolina Magdangal, Raymart Santiago at James Blanco. Siya rin ang director ng teleseryeng Hawak Ko Ang Langit na pinagbibidahan naman ng controversial actress na si Assunta de Rossi na produced ng TAPE, Inc. na siya ring producer ng top-rating noontime show na Eat Bulaga.
* * *
E-mail me at: <a_amoyo@pimsi.net>

Show comments