Hindi na sexy si Aubrey

Totoong pumayat nang husto si Aubrey dahilan sa napaka-hectic niyang sked. "Paligo na lang ang pinaka-pahinga ko. Pagkagaling ko sa magdamagang shooting ng Sanib ay kailangan na agad akong pumunta ng ABS-CBN para sa Masayang Tanghali Bayan. Minsan nga napapaiyak na lang ako sa pagod," kwento ni Aubrey Miles sa presscon ng Sanib, ang nag-iisang horror entry sa gaganaping Manila Film Festival. Gawa ito ng Regal Films sa direksyon ni Celso Ad Castillo.

Hindi sexy si Aubrey sa pelikula, nakakatakot ang role niya bilang isang young bride na na-possessed ng demonyo. "Happy nga ako dahil mapapanood na ng mga bata ang movie. Sila ang unang inisip namin nang ginagawa namin ang movie. Hinahabol namin ang ratings para sa kanila kaya hindi ako pinag-sexy dito ni Direk," dagdag pa ni Aubrey.

May prosthetics dito si Aubrey kaya hindi siya makikilala ng mga manonood. Dalawang oras itong inilagay sa kanya at 12 oras niya itong gamit. "Kaya nga init na init ako sa shooting," sey pa ng aktres na kumakain ng chocolates para mabawi ang lakas niya na nauubos sa paglalagare sa TV at pelikula.

Bukod kay Aubrey, kasama rin sa pelikula sina Gina Alajar, Raymond Bagatsing, Joel Torre, Ana Capri, Isabela de Leon, Dindin Llarena at Carlo Muñoz.
*****
Maganda yung episode ng celebrity DATcom, na napanood ko nung Huwebes ng gabi sa IBC 13. Natsambahan ko lamang ang programa habang naghahanap ako ng mapapanood matapos akong mapagod sa kapapabalik-balik ng channels between GMA7 (Magpakailanman) at ABS CBN (Maalaala Mo Kaya) na parehong magaganda ang palabas.

Maganda ang celebrityDATcom, masaya at hindi nakakapagod panoorin.

Magagaling din ang mga hosts na sina Angelu de Leon, Dolly Ann Carvajal at TJ Manotoc, simple lamang at walang pretensyon na mga authority sila sa kanilang mga pinagsasabi pero bakas ang kasiyahan sa kanilang mga pinaggagagawa. Sana ganun na lamang sila at huwag nang magtangkang makipag-laban pa sa hosts ng ibang celebrity talk shows.
*****
Matapos ang mga serye ng walang patumanggang iyakan, isang dramedy naman ang sasabakan ni Claudine Barretto, this time with a brand new partner, Piolo Pascual.

Sana naman ay hindi bigyan si Claudine ng hard time ng mga maka-Piolo-Judy Ann Santos na dapat maintindihan na sa ikagaganda rin ng career ng kanilang mga idolo ang maipareha sila sa iba’t ibang artista.

Magsisimula na ang serye sa Mayo 31, 8:30 n.g. sa Channel 2 ang bagong palabas na pinamagatang Buttercup na tungkol sa isang barkada na binubuo ng walong kabataan dealing with love, life and being hip at nagiging adult na.

The eight are Claudine, Piolo, Diether Ocampo, Carlos Agassi, Assunta de Rossi, Onemig Bondoc, Ciara Sotto at Mico Palanca.

Direksyon ni Wenn Deramas.

Show comments