Paborito ng mga action stars

Naging mistulang reunion ng mga past presidents ng Philippine Movie Press Club ang presscon ng Ang Kapitbahay hosted by Imus Productions and Chit Ramos.

Kagulat-gulat kasi na ngayon lang nangyari ang okasyong tulad nito na present lahat ang mga naging pangulo ng PMPC. Believe ako kay Pacita M (Chit) kung paano napagtipon sina (chronological, hindi according to beauty nor age) Ethel Ramos, Ronald Constantino, Billy Balbastro, Hermie Francisco, ang inyong Kuwentong Showbiz columnist Ernie Pecho, Letty Celi-Reyes, ang ating editor Veronica Rodriguez- Samio, Ricky Calderon, Nora Calderon at pati ang current prexy na si Julie Bonifacio.

Ang biro naman ng isang mataray na columnist na nandoon sa Max’s last Thursday evening, ang mga PMPC prexies kasi mahilig mangapit-bahay – ang translation – mahilig makipag-tsismisan sa kapitbahay!

Sa totoo lang, dapat naman suportahan ng buong movie press ang mga movie companies na nagiging aktibong muli tulad ng Imus Productions. Dapat masaya tayo at ibigay lahat ng suporta ng industriya sa sipag o dalas mag-produce ngayon ng Imus Productions ng mga Revilla-Bautista.

Lalo pa kaming humanga kay Chit nang makita namin sa presscon ang tila takot sa press na scriptwriter/director na si Humilde "Meek" Roxas. Aba, mahigit na yatang 50 years sa pelikula si Meek Roxas pero ngayon lang siya humarap sa movie press sa isang conference.

Sinamantala namin ang pagkakataon upang makipaghuntahan sa bantog na scriptwriter turned movie director.

Si Direk Roxas pala ay nagsimula bilang alalay o utility man sa Sampaguita Pictures noon pang panahon ni yumaong Mar S. Torres.

"Kahit ano ang ipagawa sa akin, okey lang," simula ni Direk.

"Pinadadala pa sa akin ang script at madalas ko namang iuwi. Binabasa ko ang lahat ng script at pinag-aaralan kong mabuti kung paano ang pagsulat nito."

Naalala pa ni Meek Roxas na noong panahong iyon ay kabilang sina Emmanuel Borlaza at Chaning Carlos (eventually naging sikat na direktor din) sa mga top screenwriters sa bakuran ng Vera-Perezes.

Madali naman niyang natutuhan ang art of scriptwriting. Nagsimula siyang magsulat ng script as a ghostwriter. Wala pa siyang credit sa pelikula noon at naaabutan lang siya ng barya-barya.

Sa unang pagkakataon na talagang nakalagay na siya sa credit as a movie scriptwriter, tumanggap siya ng P10,000 na talent fee.

Nagsimulang bumango ang pangalan ni Meek Roxas nang isulat niya ang unang blockbuster ni Rudy Fernandez, Bitayin Si Baby Ama. Ito ang pelikulang nagluklok kay Daboy bilang isang leading action superstar.

Naging in-demand na screenwriter si Humilde "Meek" Roxas at halos lahat ng mga top action stars ay naging scriptwriter siya. Marami pa siyang scripts para kay Rudy Fernandez tulad ng 9 De Febrero. Kay Phillip Salvador naman ay siya ang sumulat ng mga box-office hits na Ubusan Ng Lahi, Ikasa Mo, Ipuputok Ko at ang Masahol Pa Sa Hayop na nagbigay sa kanya ng grandslam bilang best scriptwriter.

Kapag sikat na sikat na ang isang scriptwriter, ang susunod na hakbang ay pagdidirek naman ng pelikula. Mahigit na 100 scripts na ang naisulat niya pero sa tantiya ni Meek, hindi pa lalampas sa 16 na pelikula ang naidirek niya at apat dito ay mga bold movies sa Seiko.

Apat na taon siyang bakante sa pagdidirek at pagsusulat ng script, bago dumating ang Ang Kapitbahay ng Imus Productions. Isa itong psychological, bold thriller starring Albert Martinez at ang mga sexy stars na sina Belinda Bright at Michelle Estevez.

There was a time na naging frustrated sa pelikula si Meek at tumigil siya sa pagsusulat ng script at pagdidirek.

"Ang ginawa ko, nagtrabaho na lang ako sa isang pabrika ng tela bilang operator ng isang knitting machine," kwento niya. "Noong panahon na medyo kapos kami, ang misis ko na nagtatrabaho sa New York ang tumulong sa amin."

Ang kaisa-isang anak ni Meek ay tapos na ngayon ng masscom at siyang kasama niya sa bahay nila sa Antipolo. Tinatanaw niyang malaking utang na loob kay Daboy ang pagpayuhan siyang itigil ang pag-inom sa kanyang paboritong watering hole, upang makapag-pundar.

"Sinunod ko naman ang payo niya at nakapagpatayo nga ako ng bahay sa Antipolo," sa puntong ito talagang naging maaliwalas ang mukha ng premyadong scriptwriter/direktor.

Show comments