Dumaan din sa butas ng karayom

Hindi rin naging madali para sa kilalang classical singer na si Nolyn Cabahug ang simula ng kanyang singing career.

"Lahat naman siguro ng may gustong marating sa buhay kailangan munang dumaan sa butas ng karayom," sabi ni Mr. Cabahug.

Bata pa lang daw siya ay talagang mahilig na siya sa mga classical music. Impluwensya na rin daw ng kanyang mga magulang.

"Nagsimula akong kumanta sa choir way back in Bacolod. Gusto ko sanang maging doktor noon, pero dahil sa hindi kaya ng magulang ko ang magpaaral ng medisina, lumuwas ako ng Maynila. Pagdating ko rito, sumali ako sa mga singing contest. Hanggang marinig nila na may talent ako kaya nabigyan ako ng scholarship sa music. Doon lalong nahasa ang boses ko. Naagapan agad yung pagkanta ko ng tama," sabi niya.

"Ngayon pakiramdam ko, para na rin akong doktor dahil ginagamot ko through music ang lungkot, depression at frustration ng mga tao. Makita ko lang na ngumingiti sila pag kumakanta ako, happy na ako no’n," masayang kwento ni Nolyn.

Hindi man siya naka-graduate ng medisina, graduate naman ng kursong AB English si Mr. Cabahug.

Samantala, bagama’t kilalang classical singer si Mr. Cabahug pumayag siyang maka-duet ang theater actress na si Tex Ordoñez ng "Liwanag Mo Hesus", isang inspirational song sa album ng "Misteryo ng Liwanag" produced ng Universal Records.

"For a change dahil first time kong kumanta ng ganitong song. Kahit itakwil pa ako ng mga classical listeners, kakantahin ko ito," sabi niya na may pagbibiro.

Mismong si Nolyn ang nag-ayos ng vocal arrangement ng album pero hindi siya naningil para dito. "Kailangan nating i-share yung talent natin. Saka ngayong magulo ang paligid, kailangan tayong lumapit sa Panginoon," sabi niya.

Magiging busy uli si Nolyn sa kanyang US concert sa buwan ng Hunyo kasama ang kapatid niyang si Lisa Cabahug.
* * *
Curious ako kung paanong napapayag na kumanta ang kilalang balladeer na si Marco Sison ng isang inspirational song ka-duet ang promising singer na si Arnee Hidalgo.

"Pambayad ng kasalanan," pagbibirong sabi ni Marco.

"Seriously, bakit naman hindi. Siguro katulad ng mga kasama kong singer sa album destiny at calling ang mapasama ako sa album," sabi ni Marco.
* * *
Itinuturing na answered prayer naman na mapabilang sa "Misteryo ng Liwanag" album ang baguhang singer sa grupo na si Roxanne Barcelo.

"
Blessing sa akin ang project na ito. Before sabi ko sa sarili ko, yung una kong kanta sana para sa Panginoon na natupad naman ngayon habang nasa preparation stage pa ang sarili kong album," kwento ni Roxanne.

Anne Roxanne Jordan Barcelo
sa tunay na buhay ang young actress-singer na lumaki sa Virginia USA. Twelve years silang nanirahan doon hanggang mag-decide ang kanyang pamilya na bumalik dito sa bansa. Third year college siya ngayon sa Miriam College sa kursong communication arts.

Show comments