Reunion ng mga Noranians

Marami ang nakapuna sa kakaibang sigla ni Nora Aunor nang humarap sa ilang piling press last week. Bagaman at hindi pa rin naman nareresolbahan ang problema nila ng kanyang mga anak, sinabi niya na hangad niyang magkasama-sama silang muli. Gaya rin ng pagsasama-sama ng mga Noranians sa nakatakda niyang konsyerto sa Araneta Coliseum bilang selebrasyon ng kanyang birthday.

"Ayaw kong tawagin itong isang konsyerto, manapay isang reunion ng mga Noranians na simula nung mawala ang Superstar ay bibihira na ring magkita-kita," aniya.

Ang palabas na may pamagat na Gold, dahil 50 years old na si Nora ay magtatampok sa finale ng kanyang soap opera sa ABS CBN na Bituin. Kaya naroon ang lahat ng cast, sa pamumuno nina Cherie Gil, Carol Banawa at Desiree del Valle, at production people ng nasabing palabas para i-record ang mga kaganapan na mapapanood naman sa pagtatapos ng Bituin sa ere sa Mayo 23.

"Masayang malungkot ako sa pagtatapos ng Bituin. Masaya dahil matatapos ito nang di napagsasawaan ng mga manonood at mataas pa rin ang ratings. Malungkot, dahil, masaya kami sa set, parang pamilya at matatapos na ito," ani Nora.

Ang Gold ay produksyon ng Ace Entertainment at magtatampok din kina Zsazsa Padilla at Wency Cornejo at sa mga kaibigan ni Nora at mga boss sa Dos.
* * *
Kung talagang ipu-push ng Regal Films ay magagawa nilang isang malaking artista si Maxene Magalona. Sayang nga lamang at maliliit na roles lamang ang naa-assign dito pero, sa kabila nito ay nagagawa niyang umagaw ng pansin ng mga tagasubaybay ng pelikulang lokal.

Kakapiraso lamang ang kanyang role sa nakatakdang mapanood na pelikulang Anghel sa Lupa topbilled by Dina Bonnevie, Cogie Domingo and Jiro Manio pero kung exposure ang gustong ibigay ng Regal sa kanya, naa-achieve naman nila ito. Sana lamang ay lumaki ang role nito habang dumarami ang pelikula at lumilipas ang panahon.

Nakakaiyak ang Anghel sa Lupa. bagay na pang-Mother’s Day. Nag-shine ang tatlong nabanggit na major characters although napansin din si Alwyn Uytingco.

Maganda ang kinabukasan ni Alwyn sa kamay ng ABS-CBN. Sana, ganito rin si Maxene sa Regal Films.
* * *
Gagawa na naman ng gimik si Tracy Torres, this time sa Davao City na kung saan ay nakatakdang ipalabas ang kanyang pelikula sa Leo Films na Punla. I’m sure hindi ito magkakasya sa paglilibot lamang sa mga sinehan na paglalabasan ng kanyang movie.

Alam na run ang ginawa niyang pagtakbo ng hubo’t hubod during the filmming of Punla, ang pagsali sa anti-war demonstration sa QC Circle nang naka-body paint lamang. Nakatutok sa kanya ang radyo at TV ng Davao para sa mga aktibidad at sorpresa na baka gawin niya sa May 13,14 at 15.
* * *
Nakakainis yung ilang kahera sa SM Cubao na pinagpasa-pasahan ako nung Sabado ng umaga. Dahil gift check ang hawak ko, akala siguro nila, regalo lang yun at hindi payment for services rendered. Marami kasi ang sa halip na bayaran ka ng cash sa trabaho mo sa kanila ay gift check ang ibinibigay na hindi naman binibigyan ng importansya ng maraming kahera sa mga tindahan dahil akala nila, napupulot mo lang yun sa kalsada.

Tatlong kahera yata ang pinuntahan ko para ma-clear yung purchases ko. Yung ika-apat di ko na pinuntahan. I decided to pay for my purchases pero bago ito, inireklamo ko muna sa manager yung mga tamad na kahera. Sana naman totoo yung sabi sa akin ng manager ng SM Cubao na pangangaralan nila ang mga kahera nila.

Show comments