Rose Valencia bida sa Italian movie

Kung may nagsasara ng pinto, may nagbubukas ng bintana.

Nanahimik si Rose Valencia pagkatapos mag-hit ang kanyang pelikulang Kapag Ang Palay Naging Bigas, May Bumayo. Walang linaw kung ipapalabas pa ang limang pelikula na natapos niya sa Led Cinema tulad ng Matindi ang Sex Appeal, Alindog ng Masa, Honeymoon, Mga Babae sa VIP Rooms, at Nakakagigil. Nagpa-release na siya ng kontrata at pwede na siyang gumawa sa labas dahil di na aktibo ang naturang movie outfit.

Tuwang-tuwa naman siya dahil biglang dumating ang magandang pagkakataon na maging isa sa tatlong bida na isang Italian movie na ginagawa dito sa Pagsanjan, Laguna. Ito’y pinamagatang Fashion Shoot. Kasama niya rito ang dalawang European actress. Bukod tanging siya ang may pinakamalaking role sa mga Pinay na nag-audition.

Bukod sa Fashion Shoot, tatapusin din dito sa ‘Pinas ang mga Italian movies na pinamagatang Land of Death at Cannibals World kung saan ay kasama rin si Rose. Ito’y under La Perla Nera Productions ng Rome, Italy.

Si Sammy Interno ang production coordinator-manager dito sa ‘Pinas. Ang executive producer naman ay si Gianni Paolucci na isang Italyano, gwapo at may kamukhang foreign actor!

Show comments