Matapos malipat sa ibang araw at time slot ang Magpakailanman ni Mel Tiangco at Da Boy en Da Girl nina Rudy Fernandez, Rosanna Roces at Alma Moreno sa GMA-7, inilipat naman ng ABS-CBN ang kanilang Kaya ni Mister, Kaya ni Misis nina Maricel Soriano at Cesar Montano sa araw ng Lunes mula sa araw ng Sabado. Katapat na ito ngayon ng Da Boy en Da Girl na nalipat din mula sa araw ng Huwebes sa araw ng Lunes.
Sa ratings ng Kaya ni Mister... kilala ang programa sa pagiging consistent top-rater ng Star Network kaya ibinalik ang programa at tambalang Maricel at Cesar sa ere. Pero tiyak na naalarma ang Dos dahil nung nakaraang Lunes (April 21) ay natalo ng Da Boy en Da Girl ang Kaya ni Mister... by 3%. Naka-20% ang Da Boy... at naka-17% naman ang Kaya ni Mister.
Nakatulong marahil ang special guesting sa programa nina Lorna Tolentino at Mark Anthony Fernandez. Imagine, napagsama sa programa ang ex at present ni Daboy na sina Alma at Lorna.
Maganda rin ang labanan ngayon ng Maalaala Mo Kaya ni Charo Santos sa Dos at ang Magpakailanman ni Mel Tiangco sa Siyete, isang magandang indikasyon na parehong may strong following ang dalawang magkalabang programa.
Sa pagkakaalam namin, parehong nagri-rate ang Frontpage, Magpakailanman ni Mel sa GMA kaya naman hindi puwedeng magpabaya ang ABS-CBN sa mga programang nakakatapat ng mga programa ang radio-TV anchor at top executive ng GMA.
Bukod sa kanilang ancestral home, nagpatayo si Boy ng isang magandang beach house sa Rawis, ang kanyang paboritong pahingahan sa tuwing umuuwi siya ng Samar.
Si Boy ay isa sa mga pride ng Borongan. Ipinagmamalaki siya ng aming mga kababayan dahil sa kanyang achievements at patuloy na tinatamasang tagumpay hindi lamang bilang isang TV personality kundi maging sa pagiging isang mahusay na talent manager at PR practitioner. At sa kabila ng kanyang tagumpay, hindi nakakalimot si Boy sa kanyang humble beginnings kaya maraming nagmamahal sa kanya.
Sa aming huling bakasyon, matunog ang usap-usapan sa amin na papasukin din umano ni Boy ang larangan ng pulitika dahil kinukumbinse siya ng isang opposition candidate for president na tumakbo bilang congressman sa aming distrito pero itoy masusi pa umanong pinag-aaralan ni Boy dahil masaya na siya sa kanyang kinalalagyan ngayon. Kung tutuusuin, ang pulitika ay hindi rin nalalayo kay Boy dahil ang kanyang butihing ina na si Nanay Lising Abunda, isang retired teacher sa aming lugar ay two-termer na bilang no. 1 councilor sa Eastern Samar. Although hindi pa kumbinsido si Boy na pasukin ang pulitika, he is keeping his options open until such time na handa na siya sa larangang nabanggit. At malaki ang chance ni Boy na manalo dahil bukod sa kanyang popularity, matalinong tao ang TV host-talent manager.