Martin, Regine patok sa Tate

Sino ba ang mag-aakala na magagawa pa ng mga kababayan nating Pinoy sa Amerika na manood ng konsyerto nina Martin Nievera at Regine Velasquez gayong may giyera sa Iraq at maraming mga rally at demo na nagaganap maging sa mga lansangan dun at may recession pa.

Pero sa tulong ng popularidad ng dalawa na tinulungan din ng mga malalaking billboards sa mga hugh traffic areas ng San Francisco at Los Angeles, at mga 30 seconders sa The Filipino Channel (TFC) sa loob ng dalawang buwan, at mga anunsyo sa lahat ng major Filipino newspapers, sold out lahat ng apat na pagtatanghal na ginawa ng dalawa, una, sa Hawaii Convention Center sa Honolulu, pagkatapos sa Cox Arena sa San Diego, ikatlo, ang The Chicago Show at ikaapat, sa UCLA Pauley Pavilion.

Sa Chicago na kung saan ay nasabay ang giyera sa Baghdad, sinimulan ni Martin ang konsyerto sa pamamagitan ng pag-awit ng "God Bless America" na sinundan ng isang dasal, kasama ang audience, para sa kapayapaan. Kahit sumandali, nagawa ng dalawa na kalimutan ng kanilang manonood ang nagaganap na digmaan.

Nakabalik na ang dalawa ng Maynila at kasalukuyang naghahanda para sa kanilang homecoming shows, una, sa Waterfront Cebu City Hotel sa Mayo 2 at sa Araneta Coliseum sa Mayo 9 at 10. Pinamagatan itong Martin Nievera and Regine Velasquez The 2003 World Concert Tour.

Ang tiket para sa Araneta show ay nagkakahalaga ng P175, P400, P800, P1200 at may mga limitadong upuan na nagkakahalaga ng P1800 plus 3% service charge. Mabibili ito sa SM ticketnet outlets at lahat ng SM stores (9115555) at Maxi Media Off (5518999/5557777). Para sa Cebu, makakabili ng tiket sa mga Dunkin Donuts stores (3467256), Waterfront Cebu Hotel (2326888) at SM customer Service (2312423/2310627).

Show comments