Sa loob ng 10 taon ay pinaniwala niya ang lahat na binata pa siya, wala pang pananagutan, pero kahapon sa Showbiz Sabado ay napanood natin ang kanyang pag-amin.
May asawa na si April Boy, si Madelyn de Leon Regino, may dalawang anak na sila, si John Christian (18) at Charmaine (14) na tulad ni April Boy ay nakakapamuhay na rin nang normal ngayon.
Normal, dahil noong mga panahong itinatago pa ni ABR ang totoong estado niya sa buhay ay nagtatago rin ang dalawang bata, kapag may nagtatanong sa mga ito kung kaanu-ano nila ang idol ng masa ay "Secret!" ang kanilang isinasagot.
Ang katwiran ni April Boy ay madaling maunawaan, kailangan na niyang sabihin ang katotohanan sa publiko dahil naging totoo rin ang publiko sa kanya at dahil napakalaki ng utang na loob niya sa ating mga kababayan na nagluklok sa kanya sa pagiging idolo ng masa.
Aminado si April Boy, naunahan siya ng takot nung una, na akala niyay hindi siya magtatagumpay bilang singer kung aaminin niya ang katotohanang pamilyado na siya.
"Pero kinausap ko po si Madel, tinatanong ko siya kung pwede na kong umamin, pero siya na ang pumipigil sa akin nung bandang huli".
"Ang katwiran ni Madel, gusto raw niyang maging pribado ang takbo ng buhay namin, huwag na lang daw muna, hanggang sa dumating na nga po ang takdang oras na ito," seryosong pahayag pa ni April Boy.
Kitang-kita sa personalidad nina John Christian at Charmaine ang magandang pagpapalaking kinamulatan nila kina April Boy at Madel, lingid sa kaalaman ng dalawa, tinutukan namin kung paano silang makipag-usap sa kanilang mga magulang.
Hindi nawawala ang po at opo sa kanilang pagsasalita, kahit sa kaswal nilang pakikipag-usap kina April Boy at Madel ay lutang ang kanilang respeto, "Ayaw po ni daddy na hindi gumagamit ng po at opo sa mga mas nakatatanda, saka hindi po kami nagki-kiss, nagmamano po kami sa kanila ng mommy ko," sabi ng magandang si Charmaine.
Kapag sumasama sila sa mga shows ni ABR ay nasa sa isang tabi lang sila, kung minsan ay tumutulong si John Christian sa paghahagis ng mga sumbrero sa audience na tatak ng kanyang ama, pero hindi anak ang kanyang pakilala sa mga tao.
"Nakikisigaw din po kami ng idol sa daddy ko tulad ng mga fans niya! Pero sa malalapit ko pong kaibigan, inaamin ko po sa kanila na anak ako ni April Boy, proud po ako sa daddy ko dahil kahit ikinakaila niya kami, hindi po siya nagkukulang sa amin as a father.
"Kapag nasa bahay lang po siya at walang trabaho, grabe po ang bonding namin sa kwarto nila ng mommy ko, nandun lang po kami, malambing po at mapagmahal ang daddy ko," papuri naman ni John Christian sa kanyang ama.
Nung magtapos sa high school ang magkapatid ay personal na dumalo si April Boy, ito ang nagsabit sa kanila ng ribbon, at nagkagulo sa iskwelahan.
"Hindi po kasi alam ng iba na anak niya kami, mga teachers lang po namin ang nakakaalam, saka ilang friends lang po namin.
"Nagmukhang show po ng daddy ko ang graduation namin, nagpa-picture sa kanya ang mga tao, sumisigaw sila ng idol, saka talagang pinagkaguluhan po siya sa school namin!" kwento uli ni Charmaine.
Nauunawaan ng magkapatid ang matagal na panahong pagkakaila ni April Boy sa tunay na estado ng kanilang buhay, katwiran ng magkapatid, "Ang lahat naman po ng ginagawa ng daddy ko, eh, para sa amin, saka lagi siyang nagpapaliwanag sa amin kung bakit niya ginagawa yun, kaya wala kaming sama ng loob sa kanya," nakangiting sabi ng panganay na si JC.
Napakaganda nilang pagmasdan habang kumakanta nang sabay-sabay, kabisado nina John Christian at Charmaine ang mga pinasikat na awitin ni April Boy, at kahit sa malayuan ay nakita namin ang larawan ng isang maligayang pamilya na ngayon pa lang makapamumuhay ng normal na normal.