Kung hindi buntis, Ruffa di papayagang mag-asawa!

"This is the greatest gift I got," masayang pahayag ni Yilmaz Bektas nang sabihin niya sa reception ng kasal nila ni Ruffa Gutierrez na magiging ama na siya.

Sinadyang huwag aminin ni Ruffa ang kanyang kundisyon dahil gusto niya na si Yilmaz ang personal na mag-announce nito.

As early as December 27 ay alam na ni Ruffa na siya’y nagdadalang tao dahil nagpa-check up siya sa Istanbul na sinundan ng follow up check up sa LA. After New Year nang malaman ni Yilmaz na buntis si Ruffa, doon lamang sila nagkaroon ng lakas ng loob na muling magsabi sa mga magulang ni Ruffa ang balak nilang pagpapakasal.

Si Annabelle ang unang kausap nina Ruffa at Yilmaz sa overseas call. Nung sabihin ng dalawa ang balak nilang pagpapakasal ay muling umayaw si Annabelle. Pumayag na lamang ito nang sabihin ng dalawa na buntis na si Ruffa. Isang Linggong nag-iiyak si Annabelle at hindi halos makakain dahil nasira ang kanyang mga plano kay Ruffa.

Nung hindi pa alam ni Annabelle na buntis na pala si Ruffa, pilit niyang pinauuwi ng Maynila ang anak dahil may pelikula itong gagawin (ang The Cory Quirino Kidnap Story na napunta kay Ara Mina) at may iba pa itong trabahong haharapin. Halos matulala si Annabelle nang sabihin sa kanya ni Ruffa at Yilmaz na nagdadalang-tao na ang kanyang kaisa-isang anak na babae.

After spending Chirstmas and New Year with Yilmaz, muling bumalik ng Maynila si Ruffa at saka itinakda ang kasal. Kahit ang bestfriend ni Ruffa na si Donita Rose ay walang kaalam-alam sa kalagayan ni Ruffa. Nalaman lamang ito ni Donita nung pajama shower party na ibinigay niya kay Ruffa.

Ayon kay Ruffa, pinaglihian niya ang garlic noodles, schublig na luto ng mommy ni Yilmaz, ripe mango at iba pang fruits. May kinalaman din sa kanyang pagbubuntis ang pagkahimatay niya sa Frankfurt, Germany on her way back to Manila.

"At last, I am a certified wife and mom-to-be! How exciting! At least I don’t have to tuck my tummy anymore," natatawa niyang sabi sa amin the day after her wedding.

Samantala, hindi na muna matutuloy ang second wedding nina Ruffa at Yilmaz sa Istanbul sa darating na May 11 (their 3rd anniversary as sweethearts) dahil sa nangyayaring gulo sa Amerika at Iraq. Ayon kay Ruffa, malamang na sa isang taon na nila ito gawin kapag bumalik na sa dati ang kanyang katawan.

Sinabi umano sa kanya ni Yilmaz na kung engrande ang kasalang nangyari sa Maynila, mas doble pa umano ang gagawin nila sa kanilang kasal sa Istanbul na gaganapin sa isang palasyo doon, either sa Sultan Palace o sa Ciragan Palace.

Masayang-masaya ang bagong kasal na umalis nung Huwebes (March 27) for their three-day honeymoon sa Maldives ( isang island sa gitna ng Indian Ocean). Pagkatapos nito ay lilipad sila patungong LA kung saan maiiwan si Ruffa pansamantala dahil magtutungo ng Istanbul si Yilmaz. After two weeks ay muling babalik ng LA si Yilmaz para maghanap na ng kanilang matitirahan either sa LA o sa New York. Gusto ni Ruffa na sa LA siya magsilang ng kanilang first baby ni Yilmaz at ngayon pa lamang ay pareho na silang excited ng kanyang husband sa kanilang magiging bagong myembro ng pamilya. Although wala pa silang nakalaan na pangalan, magiging palayaw ng bata ang Prince kung ito’y lalake at Princess naman kung babae.
* * *
Email:a_amoyo@pimsi.net

Show comments