Balikbayang produ makakabawi na sa 'Virgin People 3'

Kung mayroon man akong labis na ikinatuwa sa pagpayag ng Leo Films na maipalabas na finally ang Virgin People 3, ito ang pangyayaring makakabawi na ang producer nito, ang Heraxus Films (The other co-prod is Emulsion Films) na pinamumunuan ng balikbayang si Norie McCullick. Mahigit sa P10M ang lumabas sa bulsa ng produ nang saluhin niya ang pelikula mula sa unang producer ng pelikula. At pumayag lamang siya sapagkat limang araw na shooting lamang ang sasaluhin niya pero, inabot ito ng 10 araw.

"Nagandahan ako sa movie nang mapanood ko ang rushes nito, kaya nag-decide akong mag-take over," panimula ni Norie sa isang recent interview.

"Nung una, utang lamang ang hinihiling nila sa akin para matapos ang movie. Sabi pa nga, ibabalik nila ang pera ko, mga P2.9M, ng tatlong doble," dagdag pa ni Gng. McCullick na nagkaroon din ng participation sa Virgin People 3 kasama ang kanyang anak na si Lexus, pitong taong gulang.

Laking panghihinayang ni Norie at pagsisisi nang makatapos ang pelikula ay binigyan ito ng Temoporary Restraining Order (TRO) na naging permanente dahilan sa demanda ng Leo Films kay Monina Perez, isa sa tatlong bidang babae sa pelikula for breach of contract. Pumirma pala ito para sa pelikula gayong may existing contract ito sa Leo Films.

Pero, nagkaroon na ng amicable settlement sina Norie at ang Leo Films na pinamumunuan ni G. Sixto Dy. Ang kumpanya ni G. Dy ang magri-release ng pelikula kapalit ng pagbabayad niya ng penalty ni Monina Perez breach of contract nito.

Pagkatapos na pagkatapos ng showing ng Virgin People 3 ay babalik na ng Iowa, USA si Norie. Dun na lang niya hihintayin ang kinita ng movie na ipadadala sa kanya ng Leo Films through her bank. Maaasikaso na niya ang kanyang financing firm na kasalukuyang pinatatakbo ng isang anak na dalaga na may edad na 19 at ng boyfriend nito. Ipinagdarasal ni Norie na ma-recover niya ang kanyang investment na aniya ay college fund ng kanyang anak na si Lexus.

Kapag maganda ang kita nito ay baka mag-prodyus siyang muli.

Ang Virgin People 3 ay nagtatampok din kina Barbara Milano at Allona Amor kasama sina Allen Dizon at Richard Quan.

Palabas na sa Abril 2 ang Virgin People 3 na ang orihinal na pelikula ay unang napanood sa Manila International Film Festival (MIFF) nung 1974 sa pamamatnugot ng Experimental Cinema of the Philippines (ECP).

Tinalo nito ang mga nakalaban nitong 81 pelikula, lokal man o foreign sa kabila ng pangyayaring panahon ito ng Martial Law at nagsilbing isang malaking tagumpay ito ng writer ng pelikula at direktor na si Celso Ad Castillo.

Ang Virgin People 2 ay naging matagumpay din. Ilang ulit itong nabigyan ng extension.

Layunin ng Virgin People 3 na makumpleto ang tradisyon na sinimulan ng Virgin People na, muli, ay sinulat at dinirek ni Celso Kid.

Show comments