Ang Showbiz Sabado, tulad din ng iba pang mga showbiz-oriented talk shows ngayon, ay iikot sa buhay ng mga artista, sa mga isyu at kontrobersyang kinasasangkutan nila na nangangailangan ng pagtalakay at kasagutan.
Isang tipikal na tabloid ang Showbiz Sabado, walang pinipiling balita, walang pinapaborang malalaking artista, ang entablado ng Showbiz Sabado ay nakabukas kahit para sa mga starlet na mas kilala sa katawagang "cheap."
Sa kaliwat kanang tanong na ibinabato sa amin ngayon kung anong himala ang naganap at napagsama pa kami ng mortal naming kakontra sa maraming bagay na si Alfie Lorenzo ay isang kuwestiyon na kaya naming sagutin ng diretso.
Para kaming lastiko na puwedeng pahabain at paigsiin, basta huwag lang papatirin, kaya naming makisama nang sibil kahit sa mga taong alam naming hindi kami gusto, basta huwag lang kaming sasaktan ng pisikal at hahamunin.
Kay Edu Manzano ay wala kaming problema, nagkasama na kami noon ng aktor sa Showbiz Lingo, at naging maganda at maayos ang aming pagtatambal.
Ngayon pa lang namin makakasama sa programa si Alfie Lorenzo, kaya sa tanong kung sa palagay ba namiy magkikita kami ng mata sa mata at kung magkakatugma ba ang aming mga pananaw at opinyon, ang tanong ay masasagot lang namin sa pagdadaan ng mga linggo at buwan ng pagsasama namin sa Showbiz Sabado.
Sa unang pagsultada ng Showbiz Sabado ngayong hapon ay alam naming may mga artistang pansamantalang magtatampo kungdi man magtatanim ng hinanakit sa aming programa.
Maraming isyung palihim at pabulong na pinag-uusapan sa apat na sulok ng showbiz na aalisan namin ng talukbong sa hapong ito.
May mga kontrobersyang ngayon pa lang magsisimula at meron ding matagal nang awayan na sa Showbiz Sabado matutuldukan mamaya.
May mga eksklusibo at eksplosibong isyu kaming lakas-loob na "pakikialaman" ngayon, pinaghirapang ugatin ng programa ang maseselang isyung ihahandog namin sa manonood ngayong hapon, pero sa paraan namang hindi kami makapanunugat ng damdamin basta bukas ang isip ng mga artistang aming tatalakayin.
Lahat ng sahog o sangkap ng isang mainit na talk show na hinahanap ng manonood ay sisikapin naming mapagsama-sama sa Showbiz Sabado, malaki o maliit na isyu ay papatulan namin, basta interesante sa manonood.
Ang hapong ito ay punumpuno ng kontrobersiya/isyu at balitang pinagpipistahan ngayon, pero kinatatakutang buklatin-halukayin ng iba, sa pag-aalalang baka awayin sila ng mga artistang sangkot sa usapan.
Ngayon pa lang ay marami nang nakalinyang kontrobersiya ang Showbiz Sabado na isa-isa naming ihahain sa publiko, matrabaho ang bawat paksa, malalimang pag-ugat ang kailangang gawin para mabuo ang isang kuwento.
Sa panahong ito na punumpuno ng pag-aalala ang ating isip tungkol sa mga kaganapang pandaigdig na pinangungunahan ng digmaan sa pagitan ng Amerika at Iraq, pansamantala po nating libangin ang ating sarili sa pamamagitan ng pagtutok sa pinakabagong talk show ng ABS-CBN, ang Showbiz Sabado.
At sana nga ay hindi namin mabigo ang mga umaasang ibang putahe naman ang ihahandog ng Showbiz Sabado, sanay bigyan kami ng pagkakataon na matikman ng manonood, at pagkatapos ng pagtikim ay bahala na silang magdesisyon kung sa susunod na Sabado ay kami pa rin ang mas pipiliin nilang makasama.
Inuulit po namin, ngayong Sabado nang alas dos y medya na po ang pagsisimula ng eksplosibong Showbiz Sabado, magsama-sama po tayo hanggang alas kuwatro ng hapon sa ABS-CBN.
Maraming salamat na po, hindi pa man.