Walang kapaguran si Mayor Vi

Kausap namin nu’ng isang araw lang ang magiting na mayor ng Lipa, katatapos lang daw niya sa pagdalo sa isang importanteng miting sa kanyang Sangguniang Bayan, pero ang kanyang boses ay walang kapaguran.

Kung saan kumukuha ng lakas at tibay si Mayor Vilma Santos ay hindi rin namin alam, basta ang tiyak namin, kapag kausap mo siya ay parang wala silang problema at punumpuno siya ng enerhiya.

Saludo kami kay Mayor Vilma sa paraan niya ng pag-aayos ng kanyang iskedyul, nahahati-hati niya ng maayos ang kanyang oras sa kanyang pamilya, sa kanyang propesyon at sa kanyang pagiging lingkod-bayan.

Dumarating din ba siya sa puntong makita pa lang niya ang patung-patong niyang kompromiso ay parang gusto na niyang sumuko?

Nagkakaroon ba siya ng pagkakataong makasama pa ang kanyang asawa at mga anak?

Ilang oras na tulog na lang ba ang nakakaya niyang i-regalo ngayon sa kanyang sarili?

Heto ang mahabang-mahabang litanya ng aktres-pulitikong napakahusay magdala ng kanyang sarili.

"Actually, si Emiline ang dapat n’yong hangaan sa pagpi-fix ng schedules ko, hindi ako! Tagapunta lang ako, pero siya ang namomroblema kung saan pa niya isisingit ang mga trabaho at invitations na kailangan kong gawin at puntahan.

"Kung alam n’yo lang! Kapag tinitingnan na namin ang schedule book ko, kami mismong dalawa, nagkakaroon ng mga problema.

"Hindi naman kasi definite na matatapos mo sa takdang oras ang isang commitment, di ba? Maswerte nang maging maigsi ang pag-i-stay mo du’n, pero most often than not, lumalampas sa oras.

"So, domino principle ’yun, kapag kinain na ng una at pangalawang commitment mo ang time, problemado ka na sa kasunod, kaya si ate ang problemado sa mga tawag na tinatanggap niya dahil wala pa kami sa mga kasunod na kompromiso naming natanguan," tumatawang sabi pa ng aktres na hindi pinatatanda ng panahon.
* * *
Ang pamilya ay hindi niya pwedeng isantabi, naglalaan siya ng sapat na oras para kina Senator Ralph Recto, Luis at Christian, hindi maaaring ang mga ito pa ang mawalan ng kanyang oras.

"Hindi na siguro ako ’yung klase ng wife na pati ang briefs ng asawa ko, e, ako pa ang mag-aasikaso, pero Ralph can attest to the fact na hindi ko siya napababayaan.

"Sina Luis at Christian, ganu’n din, even in the middle of my work, we communicate, hindi ko pwedeng pabayaan ang mga anak ko, I know they need me.

"Sa pulong naman, alam mo na ang kwento noon pa, hindi ako pwedeng matulog ng more than eight hours. Kapag ginawa ko ’yun, hindi mo na ako pakikinabangan kung party ang pupuntahan ko, dahil magang-maga na ang mukha ko kapag ganu’n!

"Hindi ako pwedeng matulog ng mahabaan, kailangang sapat lang, para walang maging pagbabago ang itsura ko!" tawa pa nang tawang sabi ni Ate Vi.

Maraming nagsasabi na ang ambisyong-pulitika ni Mayor Vilma ay hindi nagsisimula at natatapos sa pagiging ina niya ng Lipa City, tiyak na maluluklok pa siya sa mas matataas na posisyon, lalo na’t maganda at walang anomalya ang kanyang paglilingkod sa kanyang nasasakupan.

"Ayokong lumundag ng malayo, ayoko munang isipin sa ngayon ang mas matataas pang opportunity sa pulitika, natatakot ako!

"Napakalaki kasi ng responsibilidad na kasama nu’n, e!

"As of now, kung ano na lang ang dumating, kung ano na lang ang nandyan, hindi ako ’yung tipong ngayon pa lang, e, nangangarap nang maging pangulo, maging vice-president o maging senador, walang-wala sa isip ko ang ganu’n," sinisigurong sabi pa ng magandang aktres-pulitiko.

Ano ba ang lihim ng isang magandang buhay na personal at propesyonal para sa isang Vilma Santos?

"Clean living, saka ’yung alam mo sa konsensya mo na wala kang sinasaktan at tinatapakang tao, I guess ’yun lang naman ang dahilan kung bakit sinasabi nila na parang hindi ako tumatanda at parang ang ganda-ganda ng sitwasyon ko despite the pressure," paliwanag pa ni Mayor Vilma Santos.

Show comments