Mayor Vi, nakaka-text ng kanyang mga fans

Ibang klase talagang magmahal at magpahalaga si Mayor Vilma Santos sa mga taong nagmamahal sa kanya, naturingang marunong humawak ng pera na naipagkakamali sa kakuriputan ang Star For All Seasons, pero sa panahon nang kagipitan ay maaasahan siya.

Nu’ng maospital at maoperahan ang isang kasamahan naming manunulat na mula’t mula pa’y nakikipaglaban na para kay Mayor Vilma ay hindi nagdalawang-isip ang aktres-pulitiko na sagutin ang lahat ng gastusin sa ospital ni kaibigang Jimi Escala.

Tatlong araw bago ginanap ang deliberasyon-botohan ng PMPC para sa Star Awards For Movies ay ipinasugod na namin sa ospital si Jimi, nasa Punchline noon ang Tuesday Club nang mag-text sa amin si Jimi, "Ngayon ko lang po naramdaman ang ganito katinding sakit."

Pero nang isugod na sa ospital si Jimi ay nilinlang niya ang doktor, kung anu-anong impormasyong mali ang ibinigay niya, para lang huwag siyang ipa-confine.

Nagulat kami sa ginawa ni Jimi, matinding-matindi na ang sakit na nararamdaman niya, pero sinadya niyang magkaila sa doktor.

Ang totoo ay ayaw pala niyang magpaopera dahil gaganapin na nga ang deliberasyon at botohan ng Star Awards For Movies kung saan nominado si Mayor Vilma Santos sa kategoryang best actress, ayaw niyang mawala sa pagkakataong ‘yun, dahil baka malagay raw sa alanganin ang kanyang idolo at kaibigang aktres na karapat-dapat lang namang manalo.

Pagkatapos na lang ng Star Awards nagpaopera si Jimi, inalis na ang kanyang apdo at lapay, naapektuhan na ‘yun nang ilang buwan niyang pagpapa-dialysis.

Nang makarating sa kaalaman ni Mayor Vilma ang kalagayan ni Jimi ay walang pagdadalawang-isip na sinabi ng aktres-pulitiko na ipahinga na ni Jimi ang kanyang isip at kalooban, magpalakas na lang siya, dahil si Mayor Vilma na ang magbabayad sa lahat ng gastos sa ospital ni Jimi.

Natuwa kami nang malaman namin ang pangako ni Ate Vi kay Jimi, bibihira lang kasi ang artistang marunong magpahalaga sa mga suportang ibinibigay sa kanila ng mga manunulat.

Ibang klase si Mayor Vilma, marunong siyang dumamay sa mga taong nagpapahalaga rin sa kanya, nakahanda siyang sumuporta sa abot ng kanyang makakaya sa anumang oras.
* * *
Ang telepono ni Mayor Vilma ay nakabukas para sa lahat, isa siya sa mga artistang sumasagot sa text messages ng kanyang mga tagahanga, saksi kami kung gaano at paano pahalagahan ni Mayor Vilma ang mga tagahangang nakikipaglaban nang patayan para sa kanya.

Ang araw-araw niyang iskedyul ay alam ng kanyang mga fans, nagbabalitaan sila, parang kapamilya na talaga kung ituring ng premyadong aktres ang kanyang mga tagahanga.

Marami ngang grupo ang naiinggit sa mga Vilmanians, ang ibang artista kasi ay walang bukas na komunikasyon sa kanilang mga tagahanga, sa studio lang sila nagkikita-kita at pagkatapos nu’n ay wala na.

Pero ang mga Vilmanians ay nakaka-text ni Mayor Vilma sa araw-araw, ang mga ito ang nagpaparating sa Star For All Seasons ng mga kaganapan sa showbiz, dahil masyado ngang abala ang kanilang idolo sa paglilingkod sa Lipa City.

At bago maghiwa-hiwalay ang mga Vilmanians at si Mayor Vilma kapag nagkakasama-sama sila sa isang okasyon ay parang pamamaalam ng mga probinsyano ang nagaganap, hindi makaalis-alis si Ate Vi, dahil lahat ay pinagpapaalaman at pinag-iingat niya.

Hindi na bagets na artista si Mayor Vilma para sabitan ng bulaklak sa leeg at sabuyan ng confetti, pero mas mas masahol pa sa ganu’n ang nakikita naming pagsuporta sa kanya ng mga Vilmanians.

At sulit naman ang pagsuportang ipinakikita ng mga fans kay Mayor Vilma, walang katapat na kahit magkano ang pagmamahal at malasakit na ibinibigay ng aktres-pulitiko sa kanila.

Sa ngalan ng kaibigan at kasamang Jimi Escala ay nais naming magpasalamat nang personal kay Mayor Vilma Santos, maraming salamat sa pagdamay sa aming kasama sa panahon nang kagipitan at higit sa lahat, sa iyong malasakit at pagmamahal.

Show comments