Mga tropeo ni Piolo, ipagagawa niya ng bahay!

Hanggang ngayon ay nakalutang pa rin sa alapaap ang tinanghal na best supporting actor ng Star Awards For Movies na si Piolo Pascual.

Ngayon niya mas naiisip na kung tinanggihan pala niya ang papel ni Jules sa Dekada ‘70 ay sising-alipin ang mangyayari sa kanya ngayon.

Ang totoo’y tinanggihan na nu’ng una ni Piolo ang naturang papel, nang kausapin kasi siya ng Star Cinema para sa proyekto ay sinabi sa kanya na meron siyang gagawing pagpapakita ng hubad niyang katawan sa pelikula, kaya nagdalawang-isip siya.

"Ang feeling ko kasi noon, eh, hindi pa ako handa, parang hindi pa napapanahon, although alam ko naman na kung hindi kailangan ‘yun like sa Lagarista, e, hindi nila ipagagawa sa akin," pag-alala ni Piolo nu’ng kinukuha pa lang siya ng Star Cinema.

Pero dahil sa magandang paliwanag ni Direk Chito Roño, bukod pa sa isang premyadong nobelistang tulad ni Lualhati Bautista ang sumulat ng istorya, ay tinanggap din niya ang alok.

At hindi nagkamali ng desisyon ang gwapong batang aktor, dahil ang aktibistang papel na binigyan niya ng makatarungang pagganap ang naging dahilan ng pag-akyat-pagbaba niya ngayon sa entablado ng iba’t ibang awards-giving bodies.

Nakakaapat na tropeo na ngayon si Piolo para sa Dekada ’70, MMFF, Young Critics Circle, Pasado at ang pinakahuli ay mula sa Star Awards For Movies.

Hiling ng marami ngayong naniniwala sa kakayahan sa pagganap ni Piolo na sana’y maka-grand slam siya, isang pangarap na mahirap abutin, pero posible ring maganap.

"Okey na po ako sa apat na nakuha ko, pero kung suswertihin, sino naman po ako para tumanggi?" tumatawang sabi ni Piolo nang tuksuhin namin.
* * *
Kakambal ng mga parangal ang pagiging metikuloso na sa pagpili ng mga proyekto at ang pagtataas na ng talent fee, pero para kay Piolo ay hindi problema ‘yun.

"Eversince naman po, e, pinoproteksyunan na ng Talent Center ang career ko, maraming offers sa akin na gumawa ng ganito at ganyang pelikula, pero noon pa man, e, maingat na sila sa pagpili ng mga gagawin kong project.

"Sa talent fee naman, I think hindi naman sisingil ng sobra-sobra sa capacity ko ang Talent Center, they know naman how much I’m worth, kaya hindi po magiging problema ‘yun," katwiran ng gwapo na’y punumpuno pa ng talento ang batang aktor.

Iba ang nagagawa ng tropeo ng pagkilala sa husay sa pagganap ng artista, parang bitamina ‘yun na hindi nabibili sa alinmang botika, ‘yun ang nagsisilbing inspirasyon nila sa pagpapagod at pagpupuyat, at ‘yun din ang itinuturing nilang malaking paghamon para lalo pa nilang pagbutihin ang pag-arte.

Nu’ng gabi ng Star Awards, kahit napakarami nang nagsasabi sa kanya na sigurado na ang kanyang pagwawagi dahil talaga namang mas angat sa kanyang mga kalaban ang ipinakita niyang galing sa pagganap sa Dekada ‘70 ay inatake pa rin ng nerbyos si Piolo.

Panay ang kanyang paghikab dahil sa sobrang pagod sa pagtatrabaho mula nang tanghaling ‘yun, palagi niyang sinasabi sa amin na "Inaantok-nagugutom ako, lunch pa kasi ang huling kain ko."

Ang mga ganu’ng sitwasyon ay nauunawaan namin, natural lang sa isang nominado ang makaramdam ng kung anu-ano, para silang mga pusang hindi maihi, dinadaga ang kanilang dibdib, sama-samang agam-agam at tensyon kasi ang umaatake sa kanila.

Pero ang lahat ng nararamdamang negatibo ni Piolo ay nawala nang isigaw na ang kanyang pangalan bilang movie best supporting actor ng taon, sa isang iglap ay para siyang nanghihinang pasyente na sinaksakan ng suwero, lalong lumakas ang kanyang pakiramdam nang marinig na niya ang pagbubunyi ng halos lahat ng nasa UP Theater na tanda ng pagsang-ayon sa kanyang pagwawagi.

Nasa kwarto pa ni Piolo ngayon ang mga tropeong tinatanggap niya bilang rekognisyon ng iba’t ibang awards-giving bodies dahil sa mahusay niyang pagganap sa Dekada ‘70, pero ngayon pa lang ay nagpaplano na siyang ipagpagawa ng sariling bahay ang kanyang mga tropeo.

Show comments