Walang pormal na resignation papers na ipinadala si Pops sa ABS-CBN, pero ang pagsasabi ng kanyang ina na nagbibitiw na si Pops at hindi na darating pa sa ASAP nang linggong yun, ay sapat nang paraan ng pamamaalam sa programa.
Malaki ang tampo ni Pops Fernandez sa pamunuan ng Dos, sa aminin niyat itanggi, dahil ang gusto niya ay meron pa siyang isang variety show na kanya talaga, bukod pa sa lingguhang ASAP kung saan isa siya sa mga hosts.
Ayon sa aming source ay hindi ganun kadaling magbuo ng isang programa para kay Pops, isang madugong paghahanda ang kailangang pagdaanang proseso, dahil binigyan na siya ng Morning Girls noon pero hindi naman nagklik sa publiko.
Hindi na nakapaghintay pa si Pops, kaya nung anibersaryo ng ASAP kung saan ang naturingan pa naman niyang consultant na si Deo Endrinal ang namamahala, ay hindi rin niya sinipot.
Bumalik pa siya sa ASAP pagkatapos ng concert nila ni Martin Nievera sa Araneta Coliseum, pero meron nang tensyon nung mga panahong yun, hanggang sa magsabi na nga nang berbal si Dulce Lukban sa Dos na umaalis na si Pops sa ASAP.
Balitang-balita na lilipat na sa Siyete si Pops, isa sa mga ibinigay na palatandaan nito ay ang pagi-guest niya sa show ni Lucy Torres.
Pero kung siya lang ay matamlay ang manonood, napatunayan na yun nang sabay silang mag-concert nang hiwalay, kung saan punumpuno ang venue ng concert ni Martin at ang kay Pops ay okey lang.
Sanay matagpian pa ang gusot na ito sa pagitan ni Pops at ng Dos, nakapanghihinayang naman ang mahabang panahon ng kanilang pagsasama kung mauuwi lang yun sa wala.
Masyado lang sigurong magulo ang takbo ng utak ngayon ni Pops, baka nagpa-panic siya sa takbo ng kanyang career, kahit wala naman siyang dapat ikatensyon dahil nandiyan pa rin siya at hindi naman napag-iiwanan ng iba.
Tama lang na mamahinga muna siya, pero hindi makagaganda para kay Pops ang matagalang pagkawala sa telebisyon, ang exposure niya sa ASAP ay malaking hosts sa variety show ng Dos.
At may nakapagsabi sa amin, kung sakaling tatanggapin nga ni Pops ang alok ng Siyete ay sisiguruhin ng actress-singer na hindi siya sasama sa SOP ang direktang katapat ng ASAP na napamahal na sa kanya.
Pero ano naman kaya ang mararamdaman ni Regine Velasquez kapag tinanggap ni Pops ang offer ng Siyete, hindi kaya si Regine naman ang magtampo at biglang mag-alsa-balutan papunta sa Dos?
Pero malakas ang kutob namin na magkakaliwanagan din ang kampo ni Pops at ng kampo ng Dos, isang masinsinang pagkokomunikasyon lang ang kailangang mangyari sa kanila, para matapos na ang tampuhang ito.
Sa pagkakaalam namin ay magaganda naman ang plano ng Dos para kay Pops, kaya nga lang ay kailangan pa niyang maghintay ng ilang panahon, dahil hindi naman nadadaan sa magic ang pagbubuo ng anumang show.