Magdadalawang taon na silang nakakulong ng Pangulong Joseph Estrada sa Veterans Memorial Medical Center at mula nang idamay sa kasong plunder ang dating punong-bayan ng San Juan ay hindi na sila nagpabaya sa paghiling sa korte na kung maaari sana ay mabigyan siya ng pagkakataong makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Pero laging bigo si dating Mayor Jinggoy, kapag negatibo ang resulta ng kanyang mosyon ay panibagong pag-asa na naman ang kanyang tinatanaw, sa loob nang halos dalawang taon ay ganun nang ganun ang nangyayari.
Sa isang emosyonal na pakikipag-usap kay Mayor Jinggoy isang gabi na umabot nang hanggang alas-kuwatro ng umaga ay buong-buo naming naramdaman ang emosyon ng isang taong inip na inip na sa pagdating ng hustisya. "Lagi na lang akong umaasa, tuwing mag-uumaga, hinihintay ko ang sagot sa motion to bail ko, pero palagi akong nabibigo.
"Kapag piyesta opisyal, lungkot na lungkot kami ng daddy ko, kapag Biyernes na, ganun din ang nararamdaman namin dahil walang pasok ng Sabado at Linggo.
"Ang hirap-hirap dito sa loob," sabi ni dating Mayor Jinggoy sa amin habang umiiyak.
Nung sunud-sunod na kaso ng kidnaping ang kanyang napapanood at nababasa sa mga pahayagan ay alalang-alala siya.
"Naiisip ko yun, ano ang gagawin ko kung buhay na pala ng anak ko ang nakataya at wala akong magawa, dahil nandito nga ako at nakakulong?
"Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nangyari yun, mahal na mahal ko ang mga anak ko, pero wala akong magawa dahil ang layo ko nga sa kanila," nag-aalalang sabi pa ng aktor-pulitiko.
Nakabawas sa sakit ng kalooban at kalungkutan ng kanyang ama ang pagiging nandoon din niya sa Veterans, dalawa silang nandoon na nagkukuwentuhan at nagbubuhos ng mga sama ng loob sa isat isa, kahit pa bukas ang isip ng Pangulong Estrada sa pagsasabing sana, kahit man lang si Mayor Jinggoy, ay makalaya na.
"Lagi kong dadalawin ang daddy ko rito, kung kaya ko, araw-araw ko siyang pupuntahan. Alam ko kung gaano kahirap ang kalagayan dito, halos dalawang taon na kami dito ngayon na puro ang kuwartong rito lang ang aming naiikutan.
"Mas magaan pa nga para sa akin dahil pinapayagan akong makalabas ng kuwarto para mag-ensayo, pero ang daddy ko, hanggang dito lang talaga siya sa loob, ni hindi man lang siya naaarawan.
"Nalulungkot ako dahil ako lang ang pansamantalang binigyan ng kalayaan, gusto ko sanang mabigyan na rin ng kaparehong desisyon ang daddy ko," dagdag pa ni Mayor Jinggoy.
Ngayon ay makakasama na niya uli ang kanyang pamilya.
Gusto pa rin niyang mag-artista, ang bahaging yun ng kanyang buhay anuman ang mangyari ay hinding-hindi na mabubura pa sa kanya, dahil bago niya naman pinasok ang mundo ng pulitika ay artista muna siya.
"Gusto ko nang magtrabaho, matagal na akong walang pinagkakakitaan, kailangan kong buhayin ang pamilya ko.
"Walang kasing tindi ang nangyaring ito sa buhay namin, lahat na ng hirap ng kalooban, e, pinagdaanan ko na."