Milyonarya na sa gulang na 14

Hindi na ako nagtaka nung walang humpay na humagulgol ang mga magulang ni Sarah Geronimo, champion ng Star For a Night search na ang finals ay ginanap nung Sabado, Marso 1 sa Ultra at napanood nationwide sa TV. Kung ako nga na hindi nila kaanu-ano at isa lamang sa napakaraming nanood ng palabas ay iyak din nang iyak, hindi dahil sa lungkot kundi sa pakikisaya sa kanyang tagumpay at sa tagumpay din ng kanyang pamilya. Hindi naman madalas mangyari na ang isang 14 na taong gulang ay nagwawagi ng P1 milyon. Tanungin n’yo si Regine Velasquez. Maski siya, hindi nagkaroon ng ganito kalaking panalo. Swerte sa panahong ito na maraming pakontes ang namimigay ng milyong piso. Kung nangyari ito nung panahon ko, baka kahit wala akong boses, babanat ako dahil kahit na ang mga talunan sa S4AN ay binigyang tig-iisa ng P25,000 worth of SM gift checks.

Ang P1 milyon ni Sarah na sa Abril niya matatanggap ay pipilitin nilang maibili maski man lamang ng pinakamaliit na bahay at lupa na sarili nila. Ang matitira ay gagamiting pambayad ng utang sa opisina ng kanyang ama.

Apat silang magkakapatid na nag-aaral sa magagandang iskwelahan. Para sila’y maitaguyod ng kanilang mga magulang, nangungutang ang kanyang ama sa pinapasukan nito. Mababayaran na nila ito ngayon. Bukod dito, nangako si Sarah sa kanyang co-contestants na iti-treat niya sila sa Boracay. Oh di ba?!

Sa 11 naging finalists ng S4AN, anim ang binigyan ng kontrata ng Viva, business and managerial – sina Sarah, Mark Bautista, taga -Cagayan de Oro na umawit ng "Ngayon at Kailanman"; Musica Cristobal, 15 years old, umawit ng "Emotions"; Angeli Mae Flores, 13 years old, kumanta ng Mandy Moore song na "Cry"; Jason Velasquez ng Zamboanga City at umawit ng "You Are My Song" at Florie Mae Lucido, ang kumanta ng "Ngayon".

Nahimasmasan ang anim dahil bago ito ay prinoblema nila ang magiging paghihiwalay nila. Bagaman at hindi nakuha ng Viva ang lahat ng finalists, malaking konsiderasyon na rin sa kanilang anim na hindi sila tuluyang magkakahiwa-hiwalay. Ang mga kontrata nila sa Viva ang magiging dahilan para kahit paano ay magkikita pa rin sila. Ang pagsasama nila habang naghahanda para sa grand finals ay nagbigkis sa kanilang 11. Bago ito ay inilibre silang lahat ni Regine Velasquez sa Michel Legrand concert.

Plano ng Viva na pagawin sila ng album na magkakasama. Aawitin nila ang mga winning pieces nila pero bukod dito ay bibigyan si Sarah ng isang original song. May plano ring nationwide tour para sa kanila.

Dahil din sa pinirmahan nilang mga kontrata, marami sa kanila ang kailangang mamalagi ng Maynila. Maaaring dito na ipagpatuloy ni Mark ang kanyang architecture studies sa halip na sa Cagayan de Oro. Baka sa Lucena na rin mamalagi si Jason, sa bahay ng isang tiyuhin, habang naka-kontrata sa Viva. Taga-Zamboanga sila. Ang mga babae naman ay dito sa Metro Manila naninirahan kaya walang problema.
*****
Isa ang kapatid na babae ni Aubrey Miles (Angelica Sandel) sa mga 27 kandidato na nangangarap na manalo ng isa man sa tatlong major titles na mapapanalunan sa Bb. Pilipinas Beauty Pageant (Bb. Pilipinas Universe, Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas World) na ang grand finals ay magaganap sa Marso 15 sa Araneta Coliseum.

Ang iba pa ay sina Maria del Carmen Antigua, Anna Kathrina Ashby, Cherry May Bacarro, Aloha Crisostomo, Nilda Baliwag, Farrah Casilda Tuballa, Gladys Cruz, Ruth Faye Toribio, Jeramie Alagon, Carolyn Ramos, Penelope Grulla, Jhezarie Javier, Kate Sephora Baesa, Jacquelyne Inoferio, Anna Marie Falcon, Sanya Smith, Arianne Garcia, Angelina Carstorphan, Maria Rafaela Yunon, Noela Mae Evangelista, Angelica Sandel, Gretchen Malalad, Carla Gay Balingit, Diana Sadie, Maria Elena Andaya, Ma. Althea Rose Mauricio at Joy delos Reyes.

Sina TJ Manotoc, Brad Turvey at Ruffa Gutierrez ang mga hosts. Guest performer si Gary Valenciano.

Mapapanood ang pageant ng live sa GMA7. Mabibili ang tiket sa SM ticketnets. Tumawag sa 9115555.

Show comments