Ang kanyang taas, ang katawan ng dalaga, pilas-pilasin mo man ang bawat bahagi ng kanyang mukha ay titindig yun nang mag-isa.
Lalong nadagdagan ang paghanga namin kay Cindy nang magkwento na sa amin ang mga hosts at staff ng MTB, bukod pala sa maganda na ang dalaga ay mabait pa, wala raw kaarte-arte sa katawan ang baguhang actress-TV host.
Lumaki sa Vienna ang dalaga, Pilipina ang kanyang ina at purong Austrian naman ang kanyang ama, pero ilang taon na rin siyang nakapanirahan sa Bicol.
Walang dahilan para sa pagkukumpara dahil magkakaiba naman ang kanilang mga katangian, pero sa aming opinyon ay parang bagong Vanessa del Bianco ng MTB si Cindy Kurleto.
Sa Austria kung saan lumaki si Cindy ay mababa rin ang pagtingin sa mga Asyano, para bang mga Puti lang ang nakasulat sa Bibliya na tanging lahing kailangang tanggapin at mahalin sa mundo, kaya maraming beses siyang nakaranas ng diskriminasyon.
Sa iskwelahang kanyang pinasukan ay pinagtatawanan siyat tinitingnan ng mababa, kayumanggi nga kasi ang kanyang kulay at hindi puti, na para bang isang malaking krimen na ang pagkakaroon ng ganung kutis at kulay.
Minsang pasakay siya ng tren papunta sa kanyang iskwelahan ay pinaulanan siya ng dura ng mga lalaking patapon na siguro ang buhay, magagaling lang naman ang mga Puti sa ungguyan, pero pagdating na sa pakikipaggiyerahan ay kung anu-anong bansa ang kanilang inaawitan para makasangga-makakampi sa laban.
May utang na loob siya sa kanyang amang Austrian, pero aminado si Cindy, ibang-iba ang lahing-Pinoy sa pagpapahalaga sa kapwa.
Saludo rin ang dalaga sa pag-iingat ng mga Pilipino sa moralidad, kaya kung siya ang papipiliin ay dito na niya gustong manirahan.
Lumapit ang gwapong aktor sa TV, ang plano niya siguroy ilakas ang volume dahil mas maganda nga namang manood ng nagsasayawan na buhay na buhay ang tugtog, pero ang napindot pala ni Echo ay ang lipatan ng channel.
Natural, nawala sa screen si Cindy, kaya nagkumahog sa pagbabalik sa Channel 2 ang batang aktor, kasabay ang pagsasabi ng, "ay! Kainis naman!"
Hindi namin binigyan ng malisya ang sinabi ni Echo, hanggang sa kalabitin kami ng isang kaibigan na staff din ng programa, "di ba, pinagselosan ni Tintin si Cindy kay Echo?"
At noon lang namin naalala, oo nga pala, kaya siguro nung si Cindy na ang nakasalang ay mas lumapit sa monitor si Jericho.
Walang masama kung humahanga naman si Jericho sa dalaga, kahit naman sinong lalaki ay tiyak na hahanga kay Cindy, dahil maganda na siya ay mabait pa.
Ngayon nga ay retrato na ni Cindy ang palaging hinihingi sa amin ng mga kalalakihan, gustung-gusto raw ng mga ito ang bakas ng mukha ng dalaga, lalo na kapag ngumingiti siya na naglalantad sa magandang pares ng kanyang mga ngipin.
Lalo na sa personal, ang ganda-ganda ni Cindy at magiliw siya sa lahat, may please pa siya kapag nanghihingi ng tubig sa utility at totoo ang papuri sa kanya ng staff ng MTB, wala nga siyang kaarte-arte sa katawan at madali siyang kausapin.
At nakakatuwa ring malaman na panay ang pag-aaral niya ngayon ng ating lenggwahe, puwede pa siyang maibenta sa ngayon, pero bukas ay baka hindi na.
Araw-araw ay nagbabasa siya ng mga librong Tagalog, sa bawat araw din ay kailangang may matutuhan siyang malalim na terminong Tagalog, kaya tiyak na maaga siyang matututo.