^

PSN Showbiz

Sino ang nagsasabing magkatulad ang showbiz at pulitika?

FRONT SEAT - Cristy Fermin -
Kung gaano kagulo ang likaw ng bituka ng showbiz ay sampung doble nu’n ang kaguluhan at karumihan ng mundo ng pulitika.

Digmaan lang ng salita ang nagaganap sa local na aliwan pero sa mundo ng pulitika ay lutang na lutang ang patayan, ang pagsasaksakan ng talikuran, burado na sa diksyunaryo ng mga pulitiko ang salitang katapatan.

Sa mga pulitiko idinidikit ang salitang hunyango dahil sa isang iglap ay nakapagpapalit-palit sila ng kulay, kung nasaan ang mas magandang oportunidad para sa kanilang personal na interes ay nakakalipat agad sila ng partido, para silang mga langgam na kung nasaan ang asukal ay du’n sila naggagapangan.

Marami na namang artistang ngayon pa lang ay pumuporma na sa pagtakbo sa susunod na eleksyon, kanya-kanyang paramdam na ang mga artistang ’yun, kaya naman ngayon pa lang din ay pinagkaka-abalahan na silang wasakin ng mga napipinto nilang kalaban.

May mga nagtatanong sa amin, ano raw ba, tuloy ba o hindi ang pagkandidato sa panguluhan ni Fernando Poe Jr. sa 2004?

Kung ang sigaw ng taumbayan ang senyal na hinihintay ni FPJ para tuluyan na niyang pasukin ang mundo ng pulitika ay sasawaan si Da King, kahit saan ngayon ay marami nang grupong nagsusulong sa kanyang pagkandidato.

Pero mukhang malagihay pa rin ang kasagutan tungkol sa tanong ng bayan, dahil ayon kay Pangulong Joseph Estrada ay wala pang anumang binibitawang positibong senyal ang matalik na kaibigan nito tungkol sa pagtakbo sa 2004.

Sabi nga ng mga nakakausap naming pulitiko, kung hanggang sa susunod na buwan ay hindi pa rin nagpaparamdam ang Hari ng Aksyon tungkol sa pagkandidato ay kailangan na nating tanggapin ang katotohang hinding-hindi ipagpapalit ni FPJ ang kapribaduhan ng kanyang buhay.
* * *
Kahit saan kami magpunta, bukod sa pakikibalita-pakikitsismis tungkol sa mga artista, ay hindi nawawala sa bokabularyo ng ating mga kababayan ang pangungumusta sa mag-amang Pangulong Erap at dating Mayor Jinggoy Estrada.

Gumagalaw na raw ba ang hustisya para sa mag-ama, kailan daw ba papayagang makapagpyansa si dating Mayor Jinggoy, total naman ay idinamay lang ang aktor-pulitiko sa mga usaping ipinangdikdik sa kanyang ama?

Sa loob at labas ng showbiz ay ang mga kaganapan sa Veterans Memorial Medical Center ang inuusisa sa amin ng marami nating kababayan, laganap ang pakikisimpatya ng publiko sa mag-ama, lalo na ngayong mga panahong ito na puro pagkabigo ang naging resulta ng mga pangakong binitiwan sa atin ng mga sumampang pulitiko sa EDSA nu’ng 2001.

Hindi lang ang kanyang mga kasamahang artista ang nagdarasal na sana’y bigyan na ng pagkakataong makapagpyansa ang dating punong-bayan ng San Juan, kahit ang mga kababayan nating salat ang kaalaman sa hustisya ay umaasam na sana, isang araw ay maging magaan na ang mabigat na krus ng pamilya Estrada sa pagpapalaya kay dating Mayor Jinggoy.

Napipilas ang aming puso kapag nakikita namin sa Veterans ang mag-iina ni Mayor Jinggoy, halos ayaw nang humiwalay sa kanilang ama ng mga anak nila ni Precy.

Isang gabi ay tumawag kay Mayor Jinggoy si Justine, bunso nila ni Precy, maigsing-maigsi lang ang sinabi ng bata sa kanyang ama.

"Papa, nagising ako, naalala lang kita," sabi ni Justine at pagkatapos ay ibinaba na ang telepono.

Pagbaba ni Mayor Jinggoy ng telepono ay nag-iiyak siya nang nag-iiyak, ang mga pangyayaring may kinalaman sa mga bata ang hindi niya makayanan kadalasan, du’n siya todo-todong tinatamaan.

Totoong maraming kaibigan ang mag-ama, araw-araw ay naaalala silang dalawin ng mga taong pinakitaan nila ng kabutihan at ng pinakamagandang pakahulugan sa salitang pagkakaibigan, pero pagdating ng gabi ay silang mag-ama na lang uli ang nandu’n sa apat na sulok ng kanilang kwarto.

Tahimik na uli ang kapaligiran, kaharap na naman nila ang katotohanan na isang buong gabi na naman ang kailangan nilang palipasin bago tanggapin ang mga bagong pagsubok ng kasunod na araw.

Mahigit na dalawang taon nang ganu‘n ang pang-araw-araw nilang buhay, masisikatan lang ng araw ang Pangulong Estrada kapag lumalabas sila ng Veterans para sa pagdinig ng kanilang mga kaso, pero pagkatapos nu’n ay balik na naman sila sa kudradong kahon na dalawang taon na nilang nagsisilbing tahanan ngayon.

AMA

ARAW

DA KING

FERNANDO POE JR.

JUSTINE

LANG

MAYOR JINGGOY

MAYOR JINGGOY ESTRADA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with