'Bing, parang hindi ka pa sanay sa showbiz'

Parang uso ang away sa mag-asawa ngayon. Balitang-balitang magkasira ngayon ang dating mag-asawang sina Pops Fernandez at Martin Nievera. At habang papalapit ang kanilang concert, saka naman lumabas ang ganitong balita. Pero napanood ko na sila sa ASAP na magkasamang kumanta.

Isa pang painit ang away na mag-asawa ay sina Janno Gibbs and Bing Loyzaga.

Bakit naman kasi itong si Bing, parang hindi pa nasanay sa showbiz. Alam naman niyang nagtatrabaho ang kanyang asawa, at kasama sa trabahong ‘yun ang intriga. Artista rin si Bing kaya hindi ko maintindihan kung bakit ganyan ang attitude niya sa asawa niya.

Ano ba siya, insecure? O kung ganoon, bakit kailangan niyang ma-insecure? Wala ba siyang tiwala sa sarili niya?

Sa hirap ng buhay, dapat pag-aralan nating tanggapin ang mga intriga sa showbiz dahil sa panahong ito, dapat nating unahin ang kalam ng tiyan kesa sa ere sa katawan.

Eh kung magri-resign si Janno sa SOP o sa show ng GMA saan siya pupunta? Oh baka nga naman naghahanap lang ng way out ang mag-asawa para makalipat si Janno sa ABS-CBN na balitang matagal nang nililigawan. Baka ganoon nga?

Sige hintayin na lang natin kung anong mangyayari sa mga intrigahang ito.
* * *
Biglang pinag-usapan si Wowie de Guzman ngayon dahil sa stage play na The Bomb. Bukod kasi sa nagpa-sexy siya - ibig sabihin nagpakita ng ilang parte ng kanyang katawan, para raw true-to-life story niya ang stage play na ito na ginanap sa Raja Sulayman kamakailan.

Kung tutuusin, nakakapanghinayang ang pagkawala ni Wowie sa showbiz. Magaling naman talaga siyang artista, kaya lang, nagka-problema siya.

May napatunayan naman siya bilang actor lalo na nu’ng naging magka-loveteam sila ni Judy Ann Santos. Marami silang kumitang pelikula na hindi pa rin mapantayan hanggang ngayon.

Alam kong may die hard Judy Ann-Wowie fans pa hanggang ngayon na umaasang balang araw ay muling magsasama ang kanilang idolo sa pelikula.

Bakit kasi hindi nagtatagal ang mga loveteam natin ngayon? Hindi katulad noong panahon nina Gloria Romero/Luis Gonzales, Susan Roces/Eddie Rodriguez at Amalia Fuentes/Bobby Vasquez.

Ngayon, hanggang isang pelikula lang ang magka-loveteam.
* * *
Nagbukas kamakailan ang Pelikula’t Lipunan 2003 sa SM cinemas sa Megamall. Host ako sa opening night with Dolphy na pinarangalan bilang isang matibay na haligi ng industriya ng pelikula. Kaya nga naka-display sa nasabing festival ang memorabilia niya.

Nandoon din sina Susan Roces, Ricky Davao, Zsa Zsa Padilla at iba pang importanteng tao sa showbiz. Ipinalabas sa opening night ang Pacifica Palaypay ni Dolphy na sinulat ni Mars Ravelo.

Ang nakakalungkot lang, 16 millimeter lang ang projector - mas maliit sa regular na pelikula sa kasalukuyan.

Hindi naman kasi natin napi-preserve ang mga luma nating pelikula kumpara sa America na kahit kasing tanda ng malalaking artista roon, magaganda pa rin ang kopya.

Hindi natin agad napaghandaan at napag-isipan kung paano itatago ng maayos ang mga pelikulang nagbigay ng sigla sa ating lokal aliwan noong unang panahon. Sayang.
* * *
Kahit medyo bastos, nag-enjoy ako sa show nina Rosanna Roces and Rico Puno with Pilita Corrales and Eddie Gutierrez. Kung sabagay, Naughty Valentine ang title kaya talagang kabastusan.

Isa pang Valentine concert na napanood ko ay ang concert ni Ronan Keating sa Araneta. Hindi naman pala talagang concert ‘yun, parang promo lang ang ginawa niya. Kaya maraming disappointed.

Show comments