Lucy meets Richard ex

Nasinag ko agad ang kagandahan ng loob ni Lucy Torres, nang makausap ko siya sumandali sa launching ng kanyang 30-minute magazine show sa GMA nung Miyerkules ng gabi, ang All About You.

Nagkita kasi sila at nagkakilala ng isa sa mga naging girlfriends ng kanyang asawang si Richard Gomez, si Dawn Zulueta, na isa sa dalawang panauhin niya sa show sa pagsisimula nito sa Linggo, Pebrero 16, 11:30 n.u. Sinabi niya na bagaman at marami silang napag-usapan, ang nakaraan nito at ni Richard ay hindi na mahalaga sa kanya dahil wala pa siya nun sa buhay ni Richard.

Sa show, ibabahagi ni Dawn ang kanyang buhay sa Davao na kung saan siya ay namimirmihan ngayon kasama ang asawang si Anton Lagdameo.

Ang isa pang panauhin ni Lucy ay si Congresswoman Imee Marcos na magpapakita ng kanyang kagalingan sa interior decorating sa pamamagitan ng color scheming.

Inamin ng magandang ginang na hindi na bago sa kanya ang maraming paksa at gawain na tatalakayin sa programa gaya ng "Ur Home" , "Ur Taste", "Ur Body,", "Ur Style" at "Ur Being". Simula’t sapul ay isa na siyang homebody.
*****
Napakaganda namang kumanta ng mga bumibisitang Robertson Brothers, isang Australian pop group sensation. Dalawa ang kinanta nila sa kanilang magarang launching na ibinigay ng Dyna Music na pinamumunuan ni Howard Dy. Isang a-capella at isang with acoustic accompaniment at talaga namang ipinamalas nila ang talino na hinahangaan sa maraming panig ng mundo. Sayang nga lamang at ngayon lamang sila nadako dito sa ating bansa.

Ang tatlong magkakapatid, sina Geoff, Stuart at Ben, ang kumanta ng John Lennon classic na "Imagine" sa 2000 Sydney Olympics na napanood ng 300,000 live audience pero hindi ng mga manonood sa TV sapagkat ang TV coverage ay nagsimula lamang makatapos kumanta ang Robertson Brothers.

Kahapon ay napanood ang tatlo sa isang Valentine concert sa Hard Rock Makati. Bahagi ito ng promosyon ng kanilang self-titled album na nagtatampok sa carrier single nito na "All I Want Is You".

Ngayong Sabado, mapapanood ang tatlo sa SM Megamall sa ika-4 n.h. Ngayong gabi panauhin sila sa Master Showman Presents.

May nakatakda ring radio tour ang Robertson Brothers. Nakatakda silang umalis sa ika-18 ng buwang ito.
*****
Mahigit na 20 special children ang magpapamalas ng kanilang galing sa pagguhit simula 9 ngayong umaga bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-8 anibersaryo ng programang Echoes of the Heart, isang on-the air counseling program ni Evangeline Pascual sa DWIZ-AM.

Sila ay lalahok sa timpalak sa pagguhit na ang konsepto ay nabuo mula sa mga kwento ng bunsong anak ni Vangie na si Eggpie, isang psychology major na nakikipag-ugnayan sa mga autistic, mentally deficient, may learning disorders at iba pa.

Gaganapin ang contest sa DWIZ studios, pag-aari ng Aliw Broadcasting Corporation na pinamumunuan ng negosyanteng si Antonio L. Cabangon Chua.

Ang Echoes of the Heart ay nagbigay kay Vangie ng "Woman of Distinction Award".

Show comments