Dahil kay Joey, Alma di na mag-guest sa 'S-Files'

Sa araw na ito ng Miyerkules (February 12) magbubukas sa mga sinehan ng Metro Manila ang inaabangan at nakakatuwang comedy film ng Viva Films, ang A.B. Normal College (Todo Na Yan, Kulang Pa Yun) na tinatampukan nina Andrew E., Ogie Alcasid, Mikey Arroyo, Rufa Mae Quinto, Patricia Javier, Jen Rosendahl at ang Salbakuta na pinamahalaan ng actor-director na si Al Tantay.

Ang A.B. Normal College ay second offering bale ng Viva Films sa taong ito kasunod ng matagumpay na sexy launching flick ni Katya Santos, ang Sukdulan.

Samantala, red-letter day na maituturing ni Patricia ang araw na ito dahil bukod sa showing ngayon ang A.B. Normal College, ngayong gabi naman ang kanyang pre-Valentine first major solo concert na gaganapin sa Folk Arts Theater na pinamagatang PJ: Too Hot to Handle.

"First time itong nangyari na dalawang mahalagang event ang mangyayari sa buhay ko-sabay ang showing ng movie ko at concert ko sa FAT," ani Patricia na isa na ring recording artist ng EMI Music Philippines.
* * *
Naging maganda ang ginawang pagpi-pinch-hit ni Paranaque Mayor Joey Marquez sa S-Files sa tuwing absent ang isa sa mga hosts na sina Janice de Belen, Richard Gomez at Paolo Bediones dahil simula sa darating na Linggo, February 16 ay magiging regular nang kasama si Tsong (Joey) sa panghapong showbiz-oriented talk show tuwing Linggo ng hapon ng GMA-7.

Dahil kabilang na si Joey sa mga hosts ng S-Files malabo na sigurong mag-guest sa programa ang kanyang ex-wife na si Alma Moreno. To think na kabilang na rin ito sa pamilya ng GMA.

Sa pagpasok ni Joey sa S-Files, magkakaroon ng mga pagbabago ang programa na lalong magpapatingkad sa panghapong programa na ang balita namin ay dikit na halos ang rating (at kung minsan ay lagpas pa) sa katapat nitong programa sa Dos, ang The Buzz hosted by Kris Aquino and Boy Abunda.
* * *
Napanood namin last Thursday ang Daboy en Da Girl na pinangungunahan nina Rudy Fernandez, Rosanna Roces at Alma Moreno kung saan, ispesyal na panauhin si Redford White bilang isang palpak na doctor. Gustung-gusto na kasi ng mag-asawang Daboy (Rudy) at Girly (Rosanna) na magka-anak kaya sila kumunsulta ng doctor sa tulong ni Ness (Alma). Sa halip na makatulong ang doctor na si Redford, puro kapalpakan ang nangyari.

Samantala, sa Valentine presentation ng Daboy en Da Girl ay special guests sina Vandolph, Goyong at Goyang. Mapormang manliligaw ni Sunshine Dizon ang magiging papel ni Vandolph habang sina Goyong at Goyang ay parehong naughty cupids ang magiging papel.

Although mainstay si Vandolph sa Home Along Da Riles wala namang naging problema sa guesting niya sa Daboy en Da Girl dahil mainstay sa programa ang kanyang mommy na si Alma Moreno.
* * *
Ka-birthday ni Heart Evangelista si Kris Aquino na nagsi-celebrate ng kanilang kaarawan tuwing Araw ng mga Puso, February 14. Hearts is turning 18 on February 14 pero kahapon (February 11) ginanap ang kanyang debut party sa Maynila Ballroom ng Manila Hotel which was made into a TV special ng ABS-CBN na dinirek ni Johnny Manahan at nakatakdang ipalabas sa darating na lingo, February 16, 9:30 p.m.
* * *
Hindi dapat malungkot ang mga tagasubaybay ng Pira-Pirasong Pangarap hosted by Manay Gina de Venecia, ang butihing maybahay ni Speaker Joe de Venecia dahil kahit mawawala na sa ere ang anim na taong award-winning drama program, isa namang mas magandang drama serial ang makakapalit nito, ang Nagmamahal, Manay Gina na magsisimulang mapanood sa Pebrero 24, Lunes hanggang Biyernes sa ganap na ika-3:30 ng hapon hanggang alas-4:00 ng hapon sa GMA-7 na siya ring naging tahanan ni Manay Gina sa loob ng anim na taon.

Kung ang Pira-Pirasong Pangarap ay tumatalakay sa mga problema ng mga abused women, sa kanyang bagong programa na Nagmamahal, Manay Gina ay magpi-feature naman ng mga inspiring success stories ng mga ordinaryong tao lalung-lalo na ang mga kababaihan at mga kabataan.

Ang bagong drama serial ni Manay Gina ay pamamahalaan ng mga batikang directors tulad nina Jeffrey Jeturian, Soxy Topacio, Albert Martinez, Gina Alajar, Manny Castañeda, Joey Romero, Ruel Bayani at Khryss Adalia.

Ang maiden offering ng programa ay pinamagatang Isang Puso, Dalawang Ina, isang heart-warming drama tungkol sa pagpapatawad na tatampukan ni Ms. Aiko Melendez. Ang pangalawang episode naman ay tatampukan ng drama princess na si Tanya Garcia sa episode na pinamagtang Ang Gusto Kong Maging na sinulat ni Lualhati Bautista at direksyon ni Jeffrey Jeturian.

Ang theme song ng Nagmamahal, Manay Gina ay pinamagatang Ngumiti Ka Na Muli na inawit ni Annie Quintos ng The CompanY, music ni Moy Ortiz (ng The CompanY) at lyrics ni Edith M. Gallardo and produced by Margot M. Gallardo.
* * *
E-mail at: a_amoyo@pimsi.net

Show comments