1st major concert ni Jolina, tatapatan ng isang libreng show ng ABS-CBN!

Marami ang namangha, nagulat, nagalit at na-disappoint nang kumpirmahin ng MaxilMedia International Inc., ang producer ng 1st major concert ni Jolina Magdangal na magaganap sa Araneta Coliseum sa Marso 1 at pinamagatang Jolina Mania na totoo ngang sasabayan ng ABS-CBN ang nasabing palabas ng isang free show na magtatampok sa kanilang mga artists. Nung una pa nga ay inakala nilang sa labas ng coliseum ito gagawin pero, naisip nila na hindi naman daw siguro papayag ang management ng Araneta Center na mangyari ito pero, habang sinusulat namin ito, tuloy pa rin daw ang nasabing libreng palabas ng network na dating kinabibilangan ni Jolina.

Nakaapekto ba ng malaki sa Dos ang pag-alis ni Jolina kung kaya ginagawa nila ang lahat ng paraan para hindi ito magtagumpay? Marami nga ang curious kung maipapalabas ang coverage na ginawa ng taga-ABS CBN para sa Jolina Mania kung totoong nagagalit sila dito.

Samantala, ni sinuman sa kampo ni Jolina ay ayaw mag-comment tungkol dito. Sapat nang sabihin nila na matagal na ang preparasyon na ginagawa nila para sa Jolina Mania para sabihin na nagkataon lamang ang pagsasabay ng dalawang palabas. Bukod sa pagku-kumpirma sa palabas ng Dos, wala nang maidaragdag pa ang mga taga-MaxilMedia.

Sa panig ni Jolina, ayaw niyang masira ang kanyang loob sa narinig na balita. "Mas gugustuhin ko pang mag-concentrate sa paghahanda para sa show na ngayon pa lamang ay kinakabahan na ako. Malaki ang Araneta pero, alam ko na once na nagsimula na kami ng rehearsals, makakalimutan ko na ang lahat at ang maiisip ko na lamang ay makapagbigay ng isang magandang palabas para naman masulit ko ang pagtitiwala na ibinigay ng mga producer ng show sa akin," aniya.

Mura lamang ang mga tiket para sa show –P600, P500, P300, P150 at P75. Mabibili ito sa lahat ng SM Ticketnet.

Direksyon ni Butch Miraflor. Guest ang Hotlegs at ilang surprised guests. Para sa karagdagang impormasyon, tumawag sa 5518999/9115555.

Show comments