Tahimik pero may hinanakit

Ayaw mang magsalita, halatang may hinanakit si Aimee Torres sa kasalukuyang nangyayari sa kanyang career. Kumbaga, build up star sana siya ng Tri-Vision Films pero ang nangyayari, hindi naman napapasali sa mga movie na ginagawa nito at naipapalabas na. Hintay na lang siya nang hintay kung kailan ito darating. Kaparis sa pelikulang Kerida, hindi siya kasali. Hindi rin siya nakasama sa pelikulang Hiram na pinagbibidahan pareho ni Aleck Bovick.

Nakakapagtaka, gayung isang magaling na artista si Aimee. Sa pelikulang Tampisaw, pinahanga niya ang lahat bilang kapatid ni Anna Capri at Aleck Bovick. May sagutan pa nga sila roon sa eksena ni Melissa Mendez. Pinapalakpakan pa nga siya. Makipagtagisan ka nga naman ng linya kay Melissa gayung isa lang siyang baguhan.

"Nagtataka rin ako, kung bakit hindi ako nakakasama sa ginagawa nila," say ni Aimee. Ayaw naman niyang bigyan-pansin yung sabihing may bagong paborito ang Tri-Vision, si Maricar Fernandez taga-Davao. Bigay-todo kasi ang pansin ng Tri-Vision kay Maricar at nakakaligtaang mayroon silang bini-build up na napapabayaan. Pero, ano pa bang bago sa showbiz? Hindi lahat ng pangako ay natutupad lalo na sa daigdig ng pelikula. Isa ring magaling na singer si Aimee kaya’t dapat din niyang bigyan ng pansin at huwag lang umasa sa pelikula. Vir Gonzales

Show comments