Di si Recto ang dapat puntiryahin kundi si Ledesma

Ayaw talagang hiwalayan ng kontrobersya ang Star for all Seasons na si Mayor Vilma Santos-Recto.

Katatapos lang ng isyu tungkol sa pagsama niya sa grupo ng Dekada ‘70 sa pag-alis sa PICC nang hindi pa natatapos ang awards night bilang pakikisimpatya kay Lualhati Bautista ay naiipit na naman siya ngayon sa kontrobersyal na isyu ng 10% VAT na tinututulan ng kanyang mga kasamahang artista.

Ang kanyang asawang Senador ang chairman ng komite ng Ways and Means ng Senado, kaya nang maglabas ng mga hinaing ang maraming artista dahil sa patung-patong nang buwis na ipinapataw sa kanila ng gobyerno ay si Senador Ralph Recto ang napuruhan ng husto.

Pero mali ang pagkakasangkot ng pangalan ni Senador Ralph sa isyu, hindi ito ang dapat binulabog ng mga nagrereklamo, dahil ang usapin tungkol sa 10% VAT ay wala pa sa kanyang hurisdiksyon.

Bago tuluyang mapunta sa mga kamay ni Senador Ralph ang usapin ay kailangan pa munang implementahan ng Mababang Kapulungan ang isyu, dahil ang gumagawa naman ng batas ay ang Kongreso at hindi ang Senado.

Parang naging maling pagkahol sa maling puno ang nagaganap, sa Senado naglabas ng kanilang saloobin ang mga artista, na dapat sana’y hindi.

Wala pang kalayaang kumilos ang komite ni Senador Recto tungkol sa isyu ng 10% VAT dahil nasa mesa pa ni Congressman Jules Ledesma ang usapin bilang chairman naman ng komite ng Ways and Means ng Kongreso.

Sa halip na si Senador Recto ay si Congressman Ledesma ang dapat pinuntirya ng mga artistang nagrereklamo, dahil ito pala ang tutulog-tulog sa kanilang trabaho at hindi ang mister ni Mayor Vilma.
* * *
Aminado si Mayor Vilma na nasaktan siya sa masasakit na salitang ibinato ng mga kasamahan niyang artista patungkol sa kanyang asawang Senador, pero hindi niya pinepersonal ‘yun, ang kanyang malasakit ay nasa industriya sa kabuuan.

Bilang artistang kinukunan din ng 20% withholding tax sa lahat ng gawin niyang proyekto ay nauunawaan ni Mayor Vilma ang kapalaran ng mga artistang papatawan pa uli ng 10 porsiyento ng buwis kapag natuloy ang implementasyon nito.

"Totoo naman kasing heavily-taxed ang movie industry, napakabigat ng buwis na ipinapataw sa amin, at nakalulungkot isipin na kami lang ang binibigyan ng ganito kataas na buwis.

"Tulad na lang ng 20% withholding tax, napaka-selective nu’n, kami lang ang kinukunan ng ganu’ng tax, hindi naman lahat.

"Kaya nga ang suggestion ni Senador Ralph, ‘yun ang asikasuhing mawala ng industriya dahil administratibo lang ‘yun, hindi batas.

"Ang batas, itong 10% VAT, para sa lahat ng propesyonal ang batas na ‘yun, hindi tulad ng "20% withholding tax na selective lang, kaming mga taga-industry lang ang kinukunan," paliwanag ng mayora ng Lipa.

Malinaw ang senaryo, hindi dapat sa Senado nagmartsa ang mga taga-industriya pati na ang iba’t ibang sektor ng mga propesyonal nating kababayan, dahil wala pa sa hurisdiksyon ng Senado ang naturang usapin.

"Ang masakit lang, nasaktan na si Ralph, bago naging maliwanag sa kanila ang issue.

"Si Ralph pa ba naman ang hindi makauunawa sa punto ng mga taga-industriya, e, sa akin lang mismo, marami ng daing at reklamong naririnig ang asawa ko?

"‘Yun lang ang pinanghihinayangan ko, hindi muna nila inalam na mabuti kung kanino at kung saan talaga nila dapat idulog ang kanilang mga hinaing," paliwanag pa ni Mayor Vilma.

Show comments