Masaya na ang mga anak ni Boyet kay Nora

Masaya ngayon si Christopher de Leon dahil unti-unti nang nalulusutan ng kanyang mga anak kay Nora Aunor ang mga problema nila. Masaya na uli ang pagsasama nina Ramon Christopher at Lotlot de Leon na kamuntik nang maghiwalay noon. Wala namang problema si Ian at ang career naman ni Matet ay higit pang gumaganda. Mainstay ito ng isang soap opera at abala rin sa mga TV guesting. Nangako rin ang young star na magbabago na’t aalagaan ang trabaho.

Noon ngang nakaraang Pasko ay nagkasama-samang lahat ang kanyang mga anak sa kanilang tahanan na kinabibilangan ng lima nilang anak ni Sandy Andolong at naroon din sina Ian, Matet, Kiko, Kenneth, si Lotlot at mga anak nila ni Monching.

Samantala, nabago na ang karakter ni Boyet sa Ang Iibigin ay Ikaw at naging kontrabida na ang dating nito. Naniniwala naman ang magaling na aktor na hindi maaapektuhan ang mga manonood dahil alam naman nilang sa TV lang ito at hindi sa tunay na buhay.

Kapag nakaluwag-luwag ng kanyang schedule sa taping ng soap opera ay baka makapag-shooting na sila ni Regine Velasquez.
Si Ara Na!
Sa presscon ng The Cory Quirino Story ay ibinalita na si Ara Mina ang napiling gumanap sa said movie.

Ano naman ang reaksyon ng magandang aktres sa pagkakapili sa kanya? "First time kong gagawa ng true-to-life story. Noong binasa ko ang script ay nagandahan ako kaya tinanggap ko agad. Kung anim na taon nilang nililigawan si Cory para isapelikula ang kanyang buhay ay six minutes lang nang mapa-oo ako. Isang challenge ito sa akin kaya gagawin ko lahat para mapaganda ang pag-arte. Kung kinakailangang mag-undergo ako ng workshop ay gagawin ko. Kailangan din akong komunsulta kay Ms. Quirino para mailarawang mabuti ang kanyang karakter. Hinding-hindi ako magpapataba at kailangang laging sexy gaya ni Ms. Quirino," aniya.
Donna, Niligawan Si Cory
Inamin ni Direk Carlo Caparas na hindi naging madali para sa kanilang mag-asawa na kumbinsihin si Cory na isalin sa pelikula ang kanyang buhay. "Nakuha ito sa panliligaw ni Donna kay Cory kung saan babae sa babae ang kanilang naging pag-uusap. Nang pumayag si Ms. Quirino ay nagkaroon kami ng lakas ng loob na magbalik-pelikula sa tulong ni NBI director noon na si Mison.

Sa kabilang banda, sinabi rin ng mag-asawa na inihahanda na rin nila si Alessandra de Rossi sa susunod nilang proyekto tungkol sa isang La Salle student na kinidnap din, binaril at iniwang wala nang buhay. Hindi namin alam kung nagbibiro si Alex nang sabihing hindi siya tatanggap ng movie kapag kasama ang kapatid na si Assunta na magiging bida ng pelikula.
Ina, Kuntento Sa Buhay-May-Asawa
Kasal na sina Ina Raymundo at si Brian Poturnak kung saan mayroon silang isang anak na babae. Usung-uso ang hiwalayan sa mga mag-asawang artista at may nag-aakala na baka sa hiwalayan din humantong ang pagmamahalan nina Ina at Brian. "Natitiyak kong malabong mangyari yan dahil compatible kami sa maraming bagay kaya nagkakasundo kami. Malaking factor ito para maging matagumpay ang married life. Kilala na rin namin ang isa’t isa dahil bago kami nagpakasal ay nagsama muna kami sa Canada at walang naging problema kahit magkaiba ang aming kultura," sey nito.

Kapag hindi abala sa taping o syuting ay nasa bahay lang ito at inaasikaso ang kanilang baby. "Ang sarap ng pakiramdam ng isang ina."
Blind Item: May Itinatagong Anak Ang Young Actor
May naikwento ang isang kaibigan tungkol sa sikat na young actor na ito na usap-usapan sa isang lugar sa Kamaynilaan. Dinadalaw nito ang kanyang lovechild kung saan naanakan nito ang kanyang barkadang babae. Tatlong taon na ang bata na inilihim ng aktor dahil marami na rin siyang mga tagahanga lalo na ng mga kabataang kababaihan. Masisira nga naman ang ilusyon sa kanya ng mga fans.

Lagi naman nitong dinadalaw ng palihim ang anak sa lugar para di mapansin ng mga tagaroon.

Mainstay ang aktor ng isang afternoon show sa isang malaking network kung saan may ka-loveteam din ito.

Show comments