Sa aming panukat ay hindi naman nakakaantok ang programa, ramdam lang namin na may kulang, dahil parang mga labanderang pinagluto at idinestino sa kusina ang tatlong hosts.
Si Carmina lang para sa amin ang pasable sa show dahil alam ng aktres ang kanyang ginagawa, kumpara kina Pops at Zsazsa na mas kahanga-hangang singers, kaysa hosts.
Dapat sanay hanggang sa katapusan pa ang MG, nakikiusap ang Dos na tapusin na sana muna ng tatlo ang buwang ito bago sila umalis, pero kinumpleto lang nila ang eksaktong petsang nakalagay sa pinirmahan nilang kontrata na Enero 17.
Wala pa palang tiyak na programang papalit sa MG, ang balita namiy sinuman kina Korina Sanchez, Kris Aquino at Tessie Tomas ang magho-host ngayong Lunes, pero sa Morning Girls pa rin yun at hindi pa bagong programang kapalit ang ere.
Nanghihinayang nga si Carmina sa show, napamahal na rin kasi sa kanya ang programa, ang kanyang mga co-hosts pati na ang staff, pero hanggang dun na lang talaga ang Morning Girls.
Nung nakaraang Lunes ay nakipagmiting na si Tita Dolor Guevarra sa mga ehekutibo ng GMA-7, may magagandang alok ang istasyon para kay Carmina, pero wala pa silang tinatanguan.
May magaganda rin kasing plano ang Dos kay Carmina ngayong Abril, kaya ang tinitimbang ngayon nina Carmina at Tita Dolor ay kung alin ang mas magandang alok.
Wala nga namang masama kung maghihintay muna sila nang ilang buwan para maasikaso naman ni Carmina ang kanilang kambal ni Zoren Legaspi.
Tahimik na ang sitwasyon ng magkabilang kampo ngayon, maayos na ang pagsasama nina Carmina at Zoren, kaya kalabisan na kung mauungkat pa uli ang nakaraang sitwasyon at relasyon nina Carmina at Rustom.
Kahit ano pa nga naman ang sabihin ay kapatid pa rin ni Rustom si Robin, kaya kahit wala namang kuneksyon yun sa propesyonal nilang buhay ni Robin ay mauungkat pa rin yun.
Huwag na lang, sabi ni Carmina, at sa anggulong yun ay saludo kami sa magandang aktres, dahil kahit sa kainitan ng isyu ng paghihiwalay nila ni Rustom ay nanatili siyang tahimik lang.
Kahit nung magdalantao siya at manganak sa Amerika ay walang direktang pahayag na nagmumula sa kanya, puro mga pahatid-balita lang, at nung umuwi na siya sa bansa ay nakita na lang natin kung gaano kaguwapo at kaganda ang produkto ng pagmamahalan nila ni Zoren.
Gustung-gusto namin ang ganda ni Mina, hindi yun umaasa sa kolorete, mas wala siyang make-up ay mas maganda siya dahil walang mali sa kanyang mukha.
Sa ugali ay lalong wala kang masasabi sa aktres, kikay siya at makwento at madaling pakibagayan ang kanyang kanaturalan, masarap siyang kakwentuhan at wala kang maririnig na pintas sa kanya patungkol sa ibang tao.
Yun ang dahilan kung bakit magaan din ang dating ng biyaya sa magaling na aktres, kumikilos kasi siya nang walang kainggit-inggit at masamang motibo sa kanyang kapwa.