GMA naungusan ang ABS-CBN bilang RP's Top 10 Best Companies

Tuwing hindi nagri-rate ang isang TV show, natural lang sa mga leading networks na bigla na lamang itong tsutsugihin. Tulad na nga ng nangyari sa Morning Girls na itinapat ng ABS-CBN sa Sis ng GMA.

Nagpaalam na sa ere ang Morning Girls pero hanggang ngayon, wala pang katiyakan kung sino talaga ang papalit sa kanila. Pansamantalang si Kris Aquino muna ang hahawak sa slot na katapat ng Sis for two weeks.

Malamang daw na magkapatid din ang ipanlalaban sa De Belen sisters – sina Gretchen at Marjorie Barretto. Ngayon pa lamang ay maraming nagsasabing no match ang mga Barrettos sa De Belens. Lalo pa’t kung kadaldalan ang labanan. Kailangan talaga sa isang talk-show ang katabilan, at yon namang may sense ang sinasabi. Kaya pre-requisite rin ang talino at pagka-witty.

Kung walang laman ang utak at hindi naman matabil, walang K na mag-talk show. Ang palabas naman kasing tulad nito ay hindi isang beauty pageant.

At least si Kris Aquino, kahit tactless, sobra rin ang daldal at mataas ang I.Q.

Isa pang narinig namin na posibilidad ay ang pagbabalik ni Tessie Tomas sa isang morning show na pang mga misis at babae. Upang magkaroon daw ng now element, magiging co-host ni Aling Tessie ang beauty queen na si Mrs. Charlene Gonzales Muhlach.

Mas mukhang may dating ang parehang ito. Hindi naman sa minemenos ko ang kakayahan nina Gretchen at Marjorie. Siguro puwede sila sa ibang show.
* * *
Nasa Cebu City ang Disco Mix Club Philippines simula pa noong Biyernes upang makisaya sa Sinulog Festival.

This Sunday ay idaraos ang Best of UK’s Tribal House Music on Tour party sa Cebu Plaza Hotel. Tampok sa tipar na ito ang British DJ na si Steve Bamford na kilala sa kanyang cutting edge bass, tough breakbeat at dark tribal progressive house music.

Natapos na noong Biyernes at Sabado ang Disco Mix Club’s "D Bomb" party na hiphop at R&B party music tampok si DJ M.O.D., DJ Sir Scratch at DJ RYU Ito ng Japan. Nandoon din ang Jamaican born na sina MC/Rapper at MC Razor Ray.
* * *
Para namang sinadya na ang playdate ng pelikulang Magnifico ni Direktor Maryo J. Delos Reyes, mula sa Violett Films ay nataon sa 4th World Meeting of Families, isang international event na pampamilya na dito sa ating bansa gaganapin.

Ang Magnifico kasi ay ginawa ni Direk Maryo J. para talaga sa pamilya. Sabi nga ni direk, isa itong obra na maaari niyang ipagmalaki kahit kanino.
* * *
Talagang walang epekto sa ating mga artista ang sinasabing over-exposure. Pinatunayan ito ni Vic Sotto na tumabo ng milyon-milyon sa takilya ang pelikulang Lastikman.

Kahit araw-araw napapanood sa Eat Bulaga si Bossing at may weekly TV sitcom pa rin siya, sugod pa rin sa mga sinehan ang kanyang mga tagahanga. Kung nagsimula ng December 25, 2002 ang Lastikman, sinasabing ito ang naging topgrosser.

Mukhang nakadagdag pa sa kanyang appeal sa takilya ang palagi siyang mapanood ng mga tao. Sa mga Pinoy kasi importante ang visibility. Kapag nawala ka sa paningin, ibig sabihin, hindi ka na uso.
* * *
It was such a big shocker na wala ang ABS-CBN sa RP’s Top 10 Best Companies sa pinaka-recent release ng Far Eastern Economic Review.

Natandaan pa namin na naging No. 3 pa sila noong 1999 at 2000. Sa paglabas ng listahan ng Far Eastern Economic Review ngayon, bumagsak na sa No. 11 ang Dos.

Ang higit na nakakaintriga, ang GMA-Channel 7 ang nasa No. 10 position.

Siguro malaki ang naging epekto ng advertising slump at ng mga problema pang hinaharap ng mga Lopez group ngayon sa pagbagsak ng ranking ng ABS-CBN.

Ngayong nakapuwesto na sa Top 10 ang GMA, hudyat na kaya ito ng kanilang patuloy na pag-akyat sa mga ratings at iba pang survey?

Anong say mo Ms. Wilma Galvante?

Show comments