Para sa Kerida, pumayag si Gardo Versoza na balikan ang kanyang pinagkasikatan noong una siyang ipinakilala, ang pagpapa-sexy. Una siyang nagpakita ng katawan sa mga pelikula ng Seiko Films kasabayan si Rita Avila pero nang lumaon ay nakilala rin siya sa kahusayan niya sa pag-arte.
Iniwan niya ang mga pelikulang sexy at nag-concentrate sa TV kung saan naging fixture siya ng mga soap operas kung saan puro off-beat roles ang mga ginagampanan niya. Nag-comedy si Gardo, sa Biglang Sibol, Bayang Impasibol ng GMA at sinundan ito ng isang straight drama role bilang rebeldeng ex-boyfriend ni Princess Punzalan sa Kung Mawawala Ka sa GMA pa rin. Ngayon, napapanood siya bilang baklang kaibigan ng Superstar na si Nora Aunor sa soap opera na Bituin ng ABS.
Tinanggap niya ang Kerida hindi para patunayang kaya niya pa ring makipagsabayan sa mga bagong daring actors kundi dahil na rin sa ganda ng kanyang character dito bilang kapatid ni Maricar Fernandez na magiging kapitbahay naman si Aleck Bovick.
Bukod kay Gardo, Aleck, Mark Gil at Maricar, kasama rin nila sa pelikula sina Ms. Elizabeth Oropesa, Via Veloso, John Apacible, Ricardo Cepeda at Alberto de Esteban. Palabas na ang Kerida sa buong Metro Manila. Mula ito sa Angora Films sa direction ni Francis Jun Posadas.